‘Gaming license’ ng Resorts World Manila, suspendido

0
64



Sinuspinde na muna ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Biyernes ang provisional license ng Travellers International Hotel Group, Incorporated, ang kumpanyang nagpapatakbo sa Resorts World Manila.

Hindi na muna papayagan ang casino at iba pang gaming facilities ng Resorts World habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Ito ay kaugnay ng nangyaring pag-atake noong Hunyo 2 na nagresulta sa pagkamatay ng higit 30.

“Resorts World Manila (RWM) is hereby ordered to cease and desist all gaming operations pending investigation and final determination by PAGCOR of RWM’s liability for the June 2, 2017, robbery/arson incident and compliance to all security, safety, and gaming operations
Requirements,” nakasaad sa order na inilabas. 

Sa pahayag naman ng Resorts World Manila, sinabi nito na boluntaryo na silang nagsuspinde ng kanilang gaming operations mula pa noong Hunyo 5. 

‘Resorts’ gunman, suspek din sa pagpatay sa 2 lalaki sa Maynila 

Samantala, kinumpirma naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde na person of interest ang Resorts World Manila gunman na si Jessie Carlos sa pagpatay sa dalawang lalaki sa Paco, Maynila noong nakaraang Huwebes, ilang oras bago ang pag-atake niya sa casino. 

Natagpuan noong patay sa loob ng isang BMW sina Elmer Mitra at Alvin Cruzin dahil sa tama ng baril sa ulo. 

Ayon kay Albayalde, may nakapagsabing kasama ni Carlos ang dalawang biktima bago sila mapaslang.

“Pinapa-ballistics natin ‘yung baril na nakita natin sa kotse… pero ‘yung kuha ng CCTV parang kahawig ni Carlos ‘yung lalaking bumaba sa kotse matapos tumaob,” ayon kay Albayalde.

Sinisilip na ngayon ng mga pulis ang iba pang kuha ng CCTV sa lugar para malaman kung si Carlos nga ang maaring pumatay sa dalawa.

Resorts World Manila, kinakitaan ng mga pagkukulang

Nakitaan naman ng NCRPO ng mga pagkukulang ang Resorts World sa pagresponde sa pamamaril ng isang armadong lalaki noong nakaraang linggo.

Isang linggo matapos ang malagim na pag-atake sa Resorts World Manila, nagpulong ang NCRPO at ang mga security manager ng mga establisyimento para sa paglalatag ng mas matinding seguridad sa mga hotel at iba pang matataong lugar.

Maraming naiwang tanong ang nangyaring insidente sa seguridad ng mga hotel sa bansa ngunit para kay NCRPO Director Oscar Albayalde, hindi naging maayos ang pagresponde ng Resorts World security sa pangyayari.

“May lapses talaga sila… iniwan nila yung CCTV room so early nu’ng incident… tapos hindi nila sinabi na may iba pang CCTV room, after two hours lang namin nalaman,” ayon kay Albayalde.

Sabi pa ni Albayalde, malaking tulong sana ang CCTV para mas madaling matukoy ang lokasyon ng gunman. Mali rin aniya ang binigay na impormasyon ng mga security ng Resorts World sa mga rumespondeng pulis.

“Sabi nila ISIS… marami daw terorista,” pahayag ni Albayalde.

Aminado naman ang Resorts World na may pagkukulang nga sa kanilang seguridad.

“We’ve been reviewing CCTV footage, we agree there are weaknesses. We’re engaging third party security experts to review our protocols,” ayon kay Stephen Reilly, chief operating officer ng Resorts World Manila.

Mas matinding seguridad sa mga hotel at casino, isinusulong

Sang-ayon ang isang samahan ng security officers na kulang sa paghahanda at pagsasanay ang mga security guard ng mga hotel sa bansa, at handa silang ayusin ang sitwasyon. 

“We are willing to invest to train our men para alam nila ang gagawin kung may ganito,” pahayag ni Adrian Picar, area director of security ng Shangri-La Hotels and Resorts Philippines.

Pinag-iisipan na rin nila kung aarmasan ang mga security sa loob mismo ng mga hotel at casino.

— Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments