Emergency powers natengga na ba?

0
30


Last year, ilang buwan bago mag-Pasko, isinulong ni Senator Grace Poe ang emergency powers para kay Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ng solusyon ang perwisyong traffic lalo na sa Metro Manila.

Reklamo ni Poe, chairman ng Committee on Public Services, sa mga ipinatawag na hearing noon ng kanyang kumite, walang kongkretong solusyon at posisyon na isinumite ang Department of Transportation.

Sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, hinirit nito sa Kongreso na bigyan siya ng emergency powers para maaksiyunan ang perwisyo ng traffic.

Mismong ang gobyerno ang umamin na nasa crisis na ang problema ng traffic lalo na dito sa Metro Manila.

Kapag nabigyan ng emergency powers ang Pangulo, mangangahulugan ito ng kapangyarihan to open blocked roads, construct roads and train lines nang hindi matagal ang proseso.

Para maibsan ang traffic, plano noon ng DOTr ang mas pinalakas na kampanya laban sa mga colorum transport services, pagbuhay sa Pasig River Ferry system at iba pa.

Fast forward…magpa-pasko na naman pero nakatengga pa rin ang panukalang bigyan ng emergency powers ang Pangulo para masolusyunan ang grabeng traffic sa Metro Manila.
Nasaan ang mga plano ng DOTr laban sa lalo pang tumitinding traffic?

So far, ang plano lang ng MMDA ay doblehin ang color coding scheme, ibig sabihin gagawing dalawang beses kada isang linggo.

Wala na bang ibang solusyon ang DOTr kundi perwisyuhin ang mga motorista sa kanilang mga experiment?

Ayon kay Senator JV Ejercito, vice chairman ng Committee on Public Services, dumarami ang populasyon ng bansa lalo na sa Metro Manila.

Sabi ni Ejercito, 20-30 thousand vehicle sales kada buwan o 1.5M na mga bagong sasakyan kada taon ang nadadagdag sa mga kalsada kaya kailangan na ang massive infrastructure.

Perwisyo na ang traffic lalo na sa Metro Manila at dapat isa ito sa mga prayoridad na aksiyunan ng gobyerno.

Hindi natin kinukuwestiyon ang sobrang atensiyon ng Palasyo sa war on drugs.
Talaga naman malaking problema ang epekto ng droga.

Pero sa traffic, lahat tayo ay biktima, lahat ay apektado hindi lamang ang papasok sa trabaho at eskwela kundi lalo na ang ating ekonomiya. Sa ilang oras na nakatengga sa traffic, milyong piso ang nalulugi sa mga negosyo.

Desidido ang kumite ni Poe na muling buhayin sa susunod na taon ang pagtalakay sa emergency powers bill pero sabi nga, kahit araw-araw mag-hearing ang Public Services Committee kung wala naman aksiyon ang DOTr, balewala rin.

Pero sana patunayan ng DOTr na hindi totoo ang kantiyaw ng publiko na huwag nang asahan na magagawan pa ng paraan ang perwisyong traffic dahil kung ang operasyon nga ng MRT, wagas ang aberya araw-araw.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments