EDITORIAL: ‘War on drugs’ ibigay sa PDEA

0
125


Kinukunsidera ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ‘war on drugs’ ng kanyang administrasyon. Dahil na rin ito sa ilang insidente ng pang-aabuso ng ibang pulis sa kanilang ­kapangyarihan kapag nagsasagawa ng operasyon laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa droga.

Matatandaan na minsan nang pinatigil ni Pangulong Duterte ang kampanya kontra iligal na droga. Ito’y dahil sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa pagdukot sa isang negosyanteng Koreano na kalaunan ay pinatay sa loob pa man din ng Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame.

Malaking eskandalo ang idinulot ng krimen na iyon sa loob ng Camp Crame. Hindi lamang ang imahe ng PNP ang nabahiran kundi nagkaroon din ng pagdududa sa ‘war on drugs’ na ang mga kapulisan ang pangunahing nagpapatupad sa buong bansa.

Dapat nagsilbing leksyon na ang insidenteng iyon sa pamunuan ng PNP upang disiplinahin ang kanilang hanay. Subalit hindi sila natuto. Nangyari ulit ang isa pang eskandalo sa katauhan naman ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos. Marami rin ang kumuwestyon sa magkakasunod na anti-illegal drugs operation ng PNP sa Bulacan, Maynila at CAMANAVA area kung saan marami ang napatay dahil nanlaban daw.

Kung magpapatuloy na hawakan ng PNP ang ‘war on drugs’ malamang na maulit ang kahihiyang idudulot nito sa pamahalaan.

Wala tayong nakikitang mali kung pangungunahan ng PDEA ang ‘war on drugs’. May kapangyarihan ang ahensya na ipatupad ang mga batas na may kinalaman sa “dangerous drugs”. Panguna­hing tungkulin ng PDEA ang kampanya laban sa iligal na droga. May sariling mandato ang PDEA ukol dito.

Ibalik ang kapulisan sa kanilang sa pangunahing mandato nila na ipatupad ang mga batas, pigilan ang mga krimen, panatilihin ang katahimikan at kaayusan, at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Hindi nga ba’t ang motto ng PNP ay “to serve and protect”? Subalit dahil sa mga insidenteng kinasasangkutan ng mga tiwaling pulis ay nawawala ang tiwala sa kanila ng mamamayan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments