EDITORIAL: Wage hike, ‘suntok sa buwan’?

0
89


Isang malungkot na balita para sa panig ng ating mga manggagawa ang negatibong katugunan ng mga employers­ kaugnay sa inihaing P184 across-the-board daily wage ­increase sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Nauna rito, naghain ng petisyon ang isang labor group partikular ang Associated Labor Unions (ALU) sa Regional Wage and Productivity Board sa National Capital Region para sa P184 umento sa sahod kada araw.

Pero ang nasabing kahilingan ng ating mga manggagawa ay parang ‘suntok sa buwan’ dahil ayon sa grupo ng mga employers, malabong maibigay ang hinihinging umento.

Maging ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagsabi na bagama’t suportado nila ang inihaing wage hike, pag-aaralan pa nila ito nang mabuti dahil sa magiging epekto nito sa kabuuan.

Masusing pag-aaralan umano ito at magpapatupad pa ng konsultasyon ang DOLE sa pagitan ng mga negosyante, manggagawa at iba pang sektor upang mabalanse ang lahat ng ito.

Sa kasalukuyan, ang bawat wage earner ay tumatanggap ng P491 bawat araw subalit dahil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at serbisyo ay lumiliit na ang halaga na kanilang tinatanggap.

Kung mapagbibigyan sana ito, malaking tulong ito para tumaas ang kanilang purchasing power at makaagapay naman sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Sa pasahe lamang, kuryente, tubig at mga pangunahing bilihin, makailang ulit na itong tumaas subalit hindi naman tumataas ang sahod.

Umaasa ang labor groups na sa loob ng isang buwan matapos nilang ihain ang kanilang petisyon ay magbubunga na ito ng positibong resulta.

Subalit sa tila negatibong pagtanggap ng gobyerno at ­employers sa kahilingang ito ay malabong mapagbigyan.

Sana ay magkaroon naman ng konsiderasyon at pang-unawa ang ating gobyerno at mga employers sa hiling na wage hike dahil kawawa naman ang ating mga wage earner.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments