EDITORIAL: Sibakan sa pulis-Caloocan dapat lang

0
26


May katuwiran ang ginawang aksyon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde na i-relieve at isailalim sa retraining ang mga pulis sa Caloocan City.

Sunud-sunod na ang kinasasangkutang kaso ng mga pulis-Caloocan at kung magpapatuloy ito na walang kaukulang aksyon mula sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ay mistulang kinunsinti na rin nila ang mga kalokohan ng kapulisan sa naturang lungsod.

Kakaiba rin ang ­halos araw-araw na patayang nagaganap sa Caloocan. Katunayan, bago pa man umupo ang administras­yong Duterte ay halos araw-araw mayroong mga patayan sa lungsod na ito.

Nangangahulugan na naglipana ang mga halang ang kaluluwa o pusakal na kriminal subalit hindi natutugunan o nareresolba ng kapulisan ng Caloocan ang mga insidente ng pagpatay.

Kabilang dito ang mga patayang ­kinasasangkutan ng riding in tandem, mga suspek na nakamaskara kapag umaatake para hindi sila mamukhaan o makilala at mga biktima na pinasok sa loob ng kanilang bahay para paslangin.

Tapos biglang magkakaroon ng mga insidente na mismong mga pulis-Caloocan na rin ang nasasangkot katulad nitong pagpatay sa dalawang kabataang lalaki na sina Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz. Pulis-Caloocan din ang pinaghihinalaang sangkot sa pagpatay sa isang binatilyo na kaibigan ni Carl ­Angelo na si Reynaldo De Guzman.

Nadagdag pa sa mga kontrobersyang kinasa­sadlakan ngayon ng Caloocan City Police ang ­ginawang pagnanakaw ng mga tauhan nito sa isang negosyanteng babae.

Mahaba na ang lista­han. Kailangan na talaga silang kalusin.

Subalit hindi lang dapat pagsasailalim sa retraining ang gawin sa mga pulis-Caloocan. Kailangang imbestigahan sila sa mga kinasasangkutang kaso. Siguradong may makikita ang Internal Affairs Service ng PNP kung magiging masinop lamang ito sa pag-iimbestiga.

Pagkakataon na rin ito para lumantad ang mga mamamayan na inabuso o inagrabiyado ng mga pulis-Caloocan at magsampa ng reklamo.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments