EDITORIAL: Senado pinuna ng COA

0
55


Hindi nakalampas sa pagpuna ng Commission on ­Audit (COA) ang tinawag nitong pag-aaksaya ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso sa pondo ng bayan.

Lumalabas sa audit report ng COA na marami umanong nasayang na pondo ang Senado dahil sa hindi maayos na pagpaplano nito sa pagbili ng mga supplies at materyales para sa mga tanggapan ng mga senador.

Kabilang sa mga binanggit na sobra-sobra o hindi naman nagagamit na office supplies ay ang toner at ink cartridges, markers, batteries, tissue paper, insecticide, at envelopes.

Puna ng COA, hindi dapat sumobra sa 3-buwan na panga­ngailangan ang pagbili ng mga office supplies.

Subalit dahil umano sa kawalan ng maayos na pagpaplano sa pagbili ng mga gamit ng Senado ay nagkaroon ng pag-aaksaya sa pondo ng bayan.

Napansin din ng COA ang malakihang pagbili ng kapulungan ng mga office supplies. Binanggit pa sa audit report na ang ilang kagamitan na binili ng Senado ay hindi na nagagamit o pinalitan na ng bagong unit.

Ang iba naman ay hindi na mapapakinabangan o magagamit pa dahil sa paglipat mula sa manual tungo sa automated paper-less systems.

Ang rekomendasyon ng COA sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay tiyakin na hindi lalampas o hihigit ng 3-buwan ang pagbili nito ng mga office supplies at material upang hindi maaksaya ang kanilang pondo.

Mabigat itong ginawang pagsusuri ng COA sa kung paanong paraan ginagamit ng Senado ang pondo nito na ­galing sa kaban ng bayan.

Asahan nang magbibigay ng kasagutan hinggil dito ang liderato ng Senado. Subalit hindi naman maglalabas ng ganitong audit report ang COA kung wala silang matibay na batayan.

Ang mga batayang iyon ay manggagaling sa mga papeles na isinusumite sa kanila ng bawat tanggapan ng pamahalaan na obligadong sumailalim sa pagsisiyasat ang pondo kung nagugugol ito nang wasto o tama at hindi nasasayang lamang.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments