EDITORIAL: Patas ba ang laban kay Kian sa DOJ?

280


Nanawagan kamakailan ang Malacañang sa publiko sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hayaang umusad ang prosesong legal at magtiwala sa sistema ng hustisya sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kaugnay pa rin ito ng kontrobersyal na pagkamatay ng Grade 11 student na si Kian Loyd delos Santos sa kamay ng mga pulis na nagsagawa ng anti-illegal drugs operation sa kanilang lugar sa Caloocan City.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nauna nang nagsalita tungkol sa kaso ng 17-anyos na binatil­yo. Tiniyak nito na hindi niya kukun­sintihin ang mga maling gawain o ilegal na hakbang ng mga alagad ng batas.

Hindi man tuwirang sinasabi ng Malacañang ay mistulang pinapayapa nito ang kalooban ng mamamayan sa gitna na rin ng matinding pagkabahala dahil sa magkakasunod na anti-illegal drugs operation ng kapulisan sa Bulacan, Maynila at CAMANAVA area kung saan marami ang napatay.

Subalit kabaligtaran naman ang ginagawa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na dinagsa ng mga batikos dahil sa kanyang mga pahayag tungkol sa kaso ng pinatay na binatilyo.

Sa Kongreso pa lamang ay hindi nagustuhan ng ibang mambabatas ang kanyang mga ipinahayag na ‘blown out of proportion’ daw ang kaso ni Delos Santos.

Sinisi rin nito ang media kung bakit lumaki ang isyu.

Kinuwestyon na nga ni Sen. Franklin Drilon kung magkakaroon ba ng patas na laban sa Department of Justice ang kaso ni Delos Santos.

Binigay na halimbawa ng senador ang nangyari sa kaso ni Supt. Marvin Marcos na na-downgrade mula sa murder ay ginawang homicide.

Kaugnay ito ng pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa na bumulagta kahit nakakulong na.

Dahil aniya sa mga nakaraang insidente kaya pinagdududahan ni Drilon kung magiging patas ba ang DOJ sa paghawak ng kaso ni Delos Santos.

Negatibo ang impresyon kay Aguirre ng marami. Dahil­ na rin ito sa mga pahayag niya na madalas ay kontrobersyal.­

Sa halip kasi na hayaang umusad ang prosesong legal ay nagsasalita rin siya sa mga kontrobersyal na kaso.

Bakit kasi hindi na lamang hayaang kumilos o gumalaw ang legal na proseso. Saka na lamang magsalita kapag kinakailangang ipaliwanag kung bakit naging ganito o gano’n ang desisyon ng DOJ sa isang kaso.

Bilang kalihim ng DOJ ay maaaring makulayan ang kasong hawak nila kung magkokomento o magbibigay ng opinyon niya si Aguirre katulad nitong kay Delos Santos.

Mag-aalala nga ang mga nagsusulong ng katarungan para kay Delos Santos kung ganitong may pagdududa sila sa DOJ.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments