EDITORIAL: Panalangin para sa Marawi

0
329


Anim na araw na ang krisis sa Mindanao bunsod ng nangyaring Marawi siege ng ISIS inspired Maute terro­rist group. Marami na ang naiulat na nasasawi, mga sibil­yang Kristiyano at Muslim, maging mga sundalo at pulis na tropa ng pamahalaan.

Hanggang ngayon patuloy ang matinding bakbakan at kahit pa sabihing kontro­lado na ng sandatahang lakas ang sitwasyon, marami pa ring mga residente ang naipit at hindi makaalis sa kanilang lugar.

Sadyang ­napakadelikado ng sitwasyon ngayon sa Marawi dahil ­nakahalo ang mga bandidong tero­rista sa mga mamamayan na karamihan ay kamag-anakan at sympathizers nila dahil dito rin nagmula ang Maute brothers na pinuno ng grupo.

Hindi basta makapasok ang militar sa ilang ­barangay sa takot na mas maraming madamay na inosenteng ­sibilyan. Balita rin na hindi umaalis sa kapitolyo ang mayor ng Marawi na Majul Usman Gandamra simula nang pumutok ang rebelyon.

Ayaw niyang umalis sa kanyang tanggapan kahit pa nasa bingit ang kanyang buhay dahil alam niya na isa sa mithiing misyon ng Maute group ay maitirik ang bandila ng ISIS sa kapitolyo na ayaw niyang mangyari.

Ito ang magsisilbing hudyat para makakuha ng support ang Maute sa international terror groups sa Syria at Iraq.

At ngayong umiiral ang Martial law sa ­buong Mindanao, maraming reak­­syon na pabor at kontra dito.

Sa ganang amin, mara­ming consequences ang pwedeng ihatid ng batas militar na ito subalit sa ­tindi ng sitwasyon kailangan ng drastikong hakbang para masugpo ang paghahasik ng terorismo ng Maute sa Marawi dahil kundi ito makokontrol agad, malaki ang posibilidad na masakop din ng grupo ang mga kalapit na lugar.

Ang kailangan ngayon ay ang ating pagkakaisa at sabay-sabay na panalangin na sana’y matapos na ang ­krisis na ito at matigil na ang pagbubuwis pa ng mara­ming buhay. Hiling natin na manaig na muli ang kapa­yapaan sa Mindanao at sa buong bansa.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments