EDITORIAL: Pahalagahan ang kapakanan ng OFWs

0
105


Patuloy ang pagdating ng mga undocumented Pinoy mula sa Gitnang Silangan partikular sa bahagi ng Saudi Arabia.

Wala tayong masasabi sa ginagawang pag-iistima ng gobyerno lalo na ng OWWA at DFA sa mga umuuwing Pinoy workers.

Binigyan nila ng pansamantalang matitigilan pagkadating mula sa airport ang mga taga-probinsya habang ipinoproseso ang benepisyo na inilalaan para sa kanila.

Kaunting halaga na malaking bagay na rin para magamit na pantawid-gutom lalo na’t karamihan sa mga nagsiuwing Pinoy workers ay matagal nang walang trabaho at natengga sa embahada o sa mga kanlungan centers ng pamahalaan.

Dekada sitenta pa nagsimulang magpadala ng mga Pinoy workers sa Gitnang Silangan.

Noon pa man, sobra-sobra na pasasalamat ng mga nakalipas na administrasyon sa malaking naitulong ng mga overseas Filipino workers sa pamamagitan ng mga remittances na ipinapadala nila sa mga pamilya nila dito sa Pilipinas.

Napakalaking kontribusyon ang ibinabahagi ng mga OFW sa ating ekonomiya at hanggang ngayon ito ang tumutulong sa gobyerno pagdating sa pinansyal na pangangailangan na pantaguyod sa mga proyekto .

Sa tuwing magpapalit ng liderato, sukdulan ang ibinibigay na pagkilala sa ating mga OFWs, pero sa nakalipas na halos maglilimang dekada ay wala pa rin matibay na seguridad na ibinibigay ang gobyerno sa mga manggagawang Pinoy lalo na yaong mga nagsibalik na sa Pilipinas, kabilang na dito ang mga natanggal sa trabaho, matatanda at yaong mga pinilit na maki­pagsapalaran na magkaroon ng magandang buhay kahit walang kasiguraduhang trabaho sa ibayong-dagat.

Hindi matatawaran ang dugo at pawis na isinakripisyo ng ating mga manggawang Filipino na napilitang mangibang bansa sa kagustuhang magkaroon ng magandang buhay ang pamilya.

Pero ngayong nagbabalik na sila sa Pilipinas para sa panibagong yugto ng kanilang buhay, walang malinaw na plataporma ang gobyerno para sa kanila.

Hindi sapat ang kaunting tulong pinansyal dahil ang mas kailangan nila ay isang kabuhayan na susuporta sa kanila at sa kanilang pamilya.

Sa bagong admintrasyong Duterte, sana lang mas masuportahan ang mga pauwing manggagawa gaya ng trabaho, libreng paospital at ibang benepisyo para masuklian ang kanilang naitulong sa bansa sa nakalipas na maraming taon.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments