EDITORIAL: P1,000 budget sa CHR at NCIP

0
251


Pinatunayan ng mga kongresista sa publiko ang kanilang kapangyarihan pagdating sa pagpapasya kung magkano ang ilalaan na pondo para sa bawat kagawaran at ahensya ng pamahalaan.

Ipinakita ito sa kanilang desisyon na bigyan ng tig-P1,000.00 ­budget para sa susunod na taon ang Commission on Human Rights (CHR) at National­ Commission on ­Indigenous Peoples (NCIP).

Kulang na lang na tuluyang buwagin ng mga mambabatas sa Kamara ang CHR at NCIP dahil sa kanilang ginawa sa budget ng dalawang tanggapan.

Mabigat ito sa ka­looban ng mga nagsusulong ng karapatang pantao at kapakanan ng mga kababayan nating katutubo. Kapag hindi binigyan ng pondo ay hindi na rin makakakilos ang mga nasabing tanggapan sa pagtupad ng kanilang mandato.

Subalit hindi pa naman huli ang lahat. Naniniwala tayong mayroon pang check and balance sa gobyerno sa kabila ng mga kaganapang ito. Naririyan ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso na puwedeng gumawa ng kaukulang hakbang.

Nasa Kamara ang “power of the purse” subalit may karapatan din ang mga mambabatas sa Senado sa budget ng gobyerno. May pag-asa pang mabaligtad ang naging desis­yon ng mga kongresista na pagdamutan ng budget ang CHR at NCIP.

Sabi nga ni Sen. Franklin Drilon, mag­bibigay ito ng masamang halimbawa at puwede rin mangyari sa iba pang tanggapan ng gobyerno.

Mahirap talagang mapag-initan ng mga kongresista.

Kung may kuwes­tyon sa pagpapatakbo ng mga ahensya dapat sana ay tugunan ito sa pamamagitan ng pagtutuwid at hindi gagamitan ng “power of the purse”.

Sana maituwid ng Senado ang pagkakamali na ito. Hangga’t naririyan ang mga CHR at NCIP ay kara­patan pa rin ng mga ito na mabigyan ng pondo. Kung ayaw talagang bigyan ay bakit hindi buwagin na ­lamang.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments