EDITORIAL: Opisyal habulin din sa fake news!

0
136


Nakakabahala na ang pagkalat ng fake news sa mga social networking sites na nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa publiko lalo na sa mga usapin na may kaugnayan sa mga pangunahing isyu sa bansa.

Katunayan ay umaksyon na rito ang gobyerno sa katauhan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitalino Aguirre kung saan ay inatasan nito ang National Bureau of Investigation (NBI) upang habulin ang mga sources ng mga fake news na siyang nagpapakalat sa Facebook at Twitter.

Partikular na pinahahabol ni Aguirre ang mga nagpakalat ng mga fake news tungkol sa nangyaring pang-aatake sa Resorts World Manila na agad kumalat sa mga social networking sites na umatake ang Islamic State sa kabila na hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng nag-iisang suspek na sa isinagawang imbestigasyon ay lumitaw na isa pala itong talunang casino customer.

Gayundin sa nangyaring Marawi City siege na inilunsad ng Marawi City ng Islamic State IS-inspired Maute group kung saan ilang pekeng larawan ang kumalat sa online na ang nakakatawa ay ang mga opisyal pa ng gobyerno ang nagpapakalat nito.

Subalit ilang araw lamang matapos lumabas ang nasabing kautusan ng kalihim, siya naman mismo ang sangkot sa pagpapalabas ng fake news matapos nitong ihayag sa isang press briefing na konektado ang umano’y pagpuplong ng ilang oposisyon sa Marawi City sa pag-atake ng Maute Group.

Inilutang nito na dumalo sa pulong sina Senador Bam Aquino at Antonio Trillanes IV kasama ang iba pang personalidad batay umano sa hawak nitong ebidensya na larawan na kuha noong Mayo 2 taong kasalukuyan, ngunit lumabas na kuha pa ito noong 2015 sa Iloilo City at hindi sa Marawi City. Nagbunsod ito upang mag-sorry ang kalihim kay Aquino at sinabing na-confuse raw siya sa mga reports na pumasok sa kanya. Ilang beses nang napaulat tungkol sa pagkakasangkot ng kalihim sa umano’y fake news.

Sa pagkakataong ito, hahabulin din kaya ng NBI ang kanilang boss na siyang nagbigay sa kanila ng direktiba gayundin ang ilang opisyal ng gobyerno upang patawan ng kaparusahan bilang taga-rasyon ng pekeng balita?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments