EDITORIAL: #OgopMarawi –

0
226


Buong suporta ng sambayanang Filipino ang hinihiling ngayon ng Armed Forces of the Philippines upang matulu­ngan ang kanilang mga kawal at mga residente ng Marawi City.

Tinawag itong #OgopMarawi na layuning tulungan na makabangon at muling makapagsimula sa kanilang pamumuhay ang mga residente na apektado ng krisis sa lungsod.

Layunin din nito na handugan ng tulong ang mga kawal ng sandatahang lakas ng Pilipinas na nagsasakripisyo at nagbubuwis ng kanilang buhay para maibalik ang kaayusan at kapayapaan sa Marawi City.

Ang ibig sabihin ng salitang “ogop” sa Tagalog ay ­“tulong”. Karapat-dapat lamang na tumugon ang sambayanan sa panawagang ito ng ating Armed Forces of the Philippines.

May tatlong programa sa ilalim ng #OgopMarawi at ito ay ang pagsasagawa ng relief operations sa ating mga kababayan­ doon, Project Shoebox, at ang “Bayanihan para sa Bayani ng Bayan”.

Layunin ng relief operations na mabigyan ng tulong ang mga residenteng apektado ng sagupaan sa Marawi City na ­nagsimula noon pang Mayo 23.

Ang Project Shoebox naman ay ang pagkakaloob ng mga batayang pangangailangan sa paaralan ng mga batang mag-aaral sa Marawi City.

Habang ang “Bayanihan para sa Bayani ng Bayan” ay paghahandog ng shoe box sa mga sundalong nasa Marawi na naglalaman ng damit, dalawang pares ng medyas, personal hygiene kit, at isang liham na kumikilala sa kanilang pagsasakripisyo para sa ating bansa.

Damayan, tulungan natin ang ating mga kababayan sa Marawi City. Suportahan din ang ating mga kasundaluhan bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan para mapalaya ang Marawi City mula sa kamay ng mga terorista.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments