EDITORIAL: Misyon ng ML extension tuparin

0
87


Ipinunto ni Sen. Gregorio Honasan sa kanyang pag-sponsor sa 5-buwan pang pagpapalawig ng martial law hanggang Disyembre 31, 2017 na tutugunan nito ang mga problema sa Mindanao at makatutulong din upang mapabilis ang rehabilitasyon sa Marawi City.

Katuwiran naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea na hindi pa rin natapos ang problema sa Mindanao sa unang 60-araw na isinailalim ang rehiyon sa martial law. Batay umano ito sa personal na evaluation ni Pangulong Rodrigo Duterte sa security assessment sa Mindanao.

Sa report pa ni Medialdea, patuloy pa rin na nakikipagbakbakan ang Maute Group at mga kaalyadong paksyon ng Abu Sayyaf sa Marawi City. Habang ang mga pangunahing lider ng mga nabanggit na grupo, ang Maute brothers at Isnilon Hapilon, ay nakalalaya pa rin.

May banta din umano ng diversionary tactics sa ibang lugar ang mga sympathizers ng mga terorista. May mga foreign fighters din na kasamang nakikipagbakbakan laban sa mga tropa ng gobyerno.

Bago pa man ang joint session ng Kongreso sa martial law extension ay inihayag na rin ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald dela Rosa na kailangan pa ito para maaresto ang mga tumutulong o nagbibigay ng ayuda sa mga terorista sa Marawi. Kailangan din aniya ang martial law extension para sa maigting na kampanya laban sa mga loose firearms sa Mindanao.

Hangga’t hindi naaabuso ang pagpapatupad ng martial law ay susuportahan ito ng mamamayan. Batay nga sa isang survey kamakailan ay suportado ito ng nakararaming Filipino.

Ngayong pinalawig na ng Kongreso hanggang Disyembre 31, 2017 ang martial law sa Mindanao ay umaasa tayo na gagawin ng mga security forces ng pamahalaan ang lahat upang maibalik ang kaayusan at kapayapaan sa rehiyong ito.

Misyon ngayon ng ating mga sundalo at kapulisan na durugin ang mga terorista, arestuhin ang mga tagasuporta nila at paigtingin ang kampanya laban sa mga loose firearms sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Makakaasa ang pamahalaan ng buong suporta mula sa sambayanang Filipino kung patuloy na magiging maayos ang pagpapatupad ng martial law sa loob ng limang buwan pang ekstensyon nito.

Sa panig ng mga awtoridad, dapat huwag nilang sayangin ang pagkakataong ito upang matugunan ang mga problemang pang-seguridad sa Mindanao.

Nakasalalay sa matagumpay na implementasyon ng martial law ang pagbabalik sa normal ng pamumuhay ng mga kababayan natin sa Mindanao.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments