EDITORIAL: Marcos wealth –

0
103


Panahon pa ni dating Pangulong Corazon Aquino nang simulan ng gobyerno­ ang paghahabol sa mga hinihinalang nakaw na yaman ng Marcoses.

Itinatag ng kanyang administrasyon ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ang misyon ay mabawi ang ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.

Natapos ang panunungkulan ni Cory na hindi pa natatapos ang misyon ng PCGG.

Nagpatuloy ang ahensya na gawin ang paghahabol sa Marcos wealth.

Makalipas ang ilang dekada ay umupo sa Malacañang ang kanyang anak na si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Dinatnan nito ang PCGG na itinatag ng kanyang ina, na patuloy pa rin ang paghahabol sa yaman ng mga Marcos.

Sa nakalipas na 30-taon ay nabawi ng PCGG ang P170.7 bilyon o mahigit sa kalahati lamang ng tinatayang US$5 bilyon­ hanggang US$10 bilyon na umano’y ill-gotten wealth.

Marami pang kaso ang gobyerno laban sa mga Marcos gayundin sa kanilang mga umano’y cronies na nakabinbin sa iba’t ibang hukuman habang ang iba’y inakyat na sa Korte Suprema.

Kailan lamang ay inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto niyang buwagin na ang PCGG.

Subalit nitong ­nakaraang araw ay kumambiyo ito at sinabing magtatatag na lamang siya ng isang Anti-Graft Commission para habulin ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na sangkot sa korapsyon.

Kasunod nito, isiniwalat naman ni Pangulong Duterte na may lumapit sa kanya na miyembro ng pamilya at napag-usapan ang Marcos wealth.

“Sabi nila, ‘We are ready to open and bring back pati a few gold bars,” ayon sa Pangulo.

Kaagad na nakatanggap ng iba’t ibang komento ang isiniwalat ng Pangulo. Karamihan sa mga reaksyon ay hindi pabor na basta na lamang isoli ang kung ilang bahagi lamang ng mga pinaniniwalaang nakaw na yaman. Ang gusto’y isoli lahat umano ng ninakaw.

Dahil dito, napapag-usapan na muli ang Marcos wealth na matagal-tagal na panahon na ring ‘natutulog’ ang mga kaso sa iba’t ibang hukuman.

Isipin n’yo na lamang, may 30-taon na ang nakalipas nang simulan ang paghabol sa yaman ng pamilya Marcos subalit nakailang beses na tayong nagpalit ng administrasyon sa gobyerno ay hindi pa rin ganap na nalulutas ang mga kasong ­inihain laban sa kanila at sa mga pinaghihinalaang cronies ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mabuti na rin itong naungkat ngayon ang usapin para mapagtuunan muli ng pansin. At sana, sa pagkakataong ito magkaroon ng resolusyon na pabor sa interes ng sambayanang Filipino.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments