EDITORIAL: Kontrobersya kay Marcos sapul ang PNP

0
34


Nakakahiya. Hindi nakakabuti sa imahe ng kapulisan. Pagsisisihan ng pambansang pulisya. Maraming sinibak ang maiinggit at baka humirit na makabalik sila sa serbisyo.

Ilan lamang ito sa mga komento kaugnay ng pagbabalik sa Philippine National Police (PNP) ni Supt. Marvin Marcos.

Nasangkot siya at ilan pang mga kasamahang pulis sa kontrobersyal na pamamaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Subalit matapos masuspendi sa serbisyo­ ay ibinalik muli sa PNP at binigyan pa ng katungkulan ­bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa Soccsksargen.

Hindi na nga yata matitigil ang mga kontrobersya sa loob ng pambansang pulisya na sila rin ang may gawa katulad nitong nangyari kay Marcos.

Natural na marami ang pumalag dahil nasubaybayan ng publiko ang isinagawang imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ni Espinosa.

Humarap sa mga senador ang mga pulis na sangkot sa insidente at ‘on live tv coverage’ nasaksihan ng taumbayan lahat ng kanilang mga testimonya.

Nakakahiya talaga ito para sa imahe ng PNP. Kahit sabi­hing hindi pa naman nahahatulan ang grupo nina Marcos sa pagkamatay ni Espinosa ay negatibo ang naging epekto sa PNP ng pagbabalik niya sa serbisyo.

Karaniwang kapag ang isang ordinaryong pulis ay ­nasuspendi o na-relieve sa puwesto kapag bumalik sa serbisyo floating status pa ito.

Ibig sabihin, nasa opisina o headquarters muna habang naghihintay ng paglalagyan sa kanya na puwesto.

Subalit iba kay Marcos. Pagbalik niya ay isang malaking rehiyon kaagad ang kanyang hahawakan.

Masuwerte siya kumpara sa ibang pulis na kapag nasangkot sa isang kaso ay puwedeng maging katapusan na ng police career o mapag-iwanan sa promosyon.

Gayunman, may iba pang opsyon na maaaring gawin si Supt. Marcos kung ayaw niyang madamay sa kontrobersya ang imahe ng buong PNP.

Puwede siyang mag-resign na lamang alang-alang sa kapakanan ng organisasyong kanyang kinapapalooban.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments