EDITORIAL: Hamon kay PNP chief Bato

0
144


Mabigat itong binitawang salita ni Senador Richard Gordon kung saan tinawag pa nitong “Bato-gan” si Philippine National Police (PNP) Director Ronald Dela Rosa na hango sa palayaw nitong “Bato”.

Binakbakan ng senador ang pinuno ng pambansang pulisya dahil sa kabiguang maresolba ang mga krimen na kagagawan ng mga riding in tandem.

“Ang daming namamatay wala silang ginagawa,” ayon kay Gordon. Dahilan kaya binansagan nitong “Bato-gan” ang PNP chief o tamad.

Malaking hamon para sa liderato ni Dela Rosa sa PNP ang mga nangyayaring patayan.

Hindi lamang ng mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo para mabilis na matakasan ang kanilang krimen kundi maging ang iba pang pagpatay na hindi nalulutas.

Kung tutuusin ay kaya ng ating kapulisan na maresolba ang isang krimen. Subalit kapag hindi gaanong napapansin sa media o mga karaniwang tao lamang ang nabibiktima ay tila hindi rin naaaksyunan kaagad ng mga pulis na nakakasakop sa lugar kung saan nangyari ang krimen.

Kadalasang reaksyon tuloy ng mga tao na kaya nalutas kaagad ang isang krimen o ‘di kaya ay naaresto ang suspek dahil kilala sa lipunan ang biktima, mayaman o may impluwensiya.

Kaya naman ang ibang pamilyang walang kakayahang magsampa ng kaso o mag-follow-up araw-araw sa presinto para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay ay nananahimik na lamang.

Kahapon ay nagbigay din ng reaksyon ang PNP sa sinabi ni Gordon. Ang pahayag ni PNP-Public Information Office chief at spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos ay nirerespeto nila ang opinyon ng senador.

Handa rin daw silang magsumite ng mga datos kung ano ang ginagawa ng PNP kontra riding in tandem na sangkot sa krimen kapag nagsagawa ng imbestigasyon ukol dito.

Subalit kung pagbabatayan ang mga balita araw-araw na mayroong napapatay na hindi lamang riding in tandem ang sangkot ay makabubuti siguro kung paigtingin pa ng kapulisan ang kanilang mandato “to serve and protect”.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments