EDITORIAL: Foreign jihadists sa Mindanao

0
71


Labis na nakakapangamba ang kalagayan ngayon ng Mindanao. Lumilitaw na hindi lamang mga lokal na terorista ang kasagupa ng mga tropa ng militar at pulisya sa Marawi City kundi may mga dayuhan din.

Pumunta sa ating bansa itong mga foreign jihadists upang tumulong sa mga lokal na grupo na nagnanais magtatag ng Islamic state sa Mindanao.

Mga armado sila hindi lamang ng baril kundi ng mga kaalaman sa mga pamamaraan ng digmaan upang isulong ang kanilang ideyolohiya.

Kung bakit malayang nakakapasok ang mga dayuhang ito sa ating bansa ay hindi na malaking palaisipan.

Napapaligiran ang Pilipinas ng karagatan at dito ay maaari silang maglayag mula sa mga karatig-bansa para makarating sa Mindanao.

Mahina pa kasi ang seguridad natin sa karagatan. Hindi pa kayang mabantayan ng mabuti ng mga awtoridad lahat ng maaaring daanan ng mga sasakyang pandagat na nagnanais makapasok ng ilegal sa ating bansa.

Maging sa mga paliparan ay nalulusutan pa rin tayo ng mga dayuhan na nais lamang gumawa ng ilegalidad dito sa Pilipinas.

Patunay dito ang mga dayuhan na naaaresto sa cybercrimes. May mga dayuhan din na sa ating bansa tumatakbo para matakasan ang mga kasong kinakaharap sa kanilang bansa.

Sa Mindanao, madali talagang mapasok ito ng mga dayuhang ilegal ang layunin sa pagpunta dito sa atin katulad ng mga foreign jihadists.

Maraming grupo doon ang mga armado na naghahanap ng mga kaalyadong magtuturo sa kanila sa digmaan at magbibigay pa ng pondo.

Wala pang datos subalit sa Mindanao na marahil maituturing na may pinakamaraming loose firearms sa buong bansa.

Maraming lugar sa Mindanao ang mahirap ang kalagayan ng buhay dahil sa walang katapusang digmaan doon.

Isang dahilan ang kahirapan kung bakit may mga kababayan tayo doon na mas gusto pang humawak ng baril at sumama sa mga armadong grupo at gumawa ng criminal acts hanggang sa masangkot na sa terorismo katulad ng nangyayari ngayon.

Sana mapag-isipang mabuti ng mga namumuno sa ating bansa kung ano ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan at malunasan ang kalagayan ng Mindanao.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments