EDITORIAL: Dagdag-bawas sa tax reform package

0
113


Isa sa pinagkakaabalahan ngayon ng ating gobyerno ay ang pagpa­patibay ng Comprehensive Tax Reform Package.

Apektado nito ang ­lahat ng mga manggagawa, empleyado at mga kumpanya o korporasyon.

Batay sa mga paliwanag mula sa administrasyong Duterte at Kongreso, malaki ang maitutulong ng tax reform package para sa mga ­ordinaryong mamamayan.

Malaking ginhawa umano ito sa mga manggagawa at empleyado dahil makakapag-uwi sila ng mas malaking ­sahod o suweldo.

Ikatutuwa nga itong tax reform package ng mga ordinaryong mamamayan. Sino ba ang ayaw makapag-uwi sa pamilya ng malaking ­suweldo?

Matagal nang problema o sakit sa bulsa ng mga ordinaryong­ taxpayers­ ang malaking buwis na natatapyas sa kanilang suweldo.

Subalit dapat ding pag-aralang mabuti ng administrasyong Duterte at ng Kongreso kung ano ang mga magiging epekto nito.

Ang kaakibat kasi ng tax reform package ay dagdag-buwis naman sa mga korporasyon, mga produktong petrolyo, mga sasakyan, ­beverages (mga inumin na katulad ng softdrinks), at mga luxury goods.

Isang puna sa tax reform package ay baka hindi rin maramdaman ng mga tao ang pagbabawas ng buwis na kinakaltas sa kanilang suweldo kung magtataasan naman ang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo.

Ang pinangangambahan dito ay kung bawiin din ang ibinabang singil sa buwis sa pamamagitan ng mataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Kung ganito ang mangyayari mababalewala ang layunin ng tax reform package na sinasabi pa man din na maka-mahirap.

Sana busisiing mabuti ng ating mga mambabatas ang lahat ng aspeto ng tax reform package na isinusulong ng gobyerno­ bago ito pagtibayin.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments