EDITORIAL: Consultation at information campaign muna sa ADDA

0
128


Mabuti naman at pansamantalang masususpinde ang ­Anti-Distracted Driving Act (ADDA).

Salamat at nagkasundo ang Kamara at Land Transportation Office (LTO) na suspen­dehin muna ng anim na buwan ang nasabing batas.

Napakagulo naman kasi at hindi maipaliwanag nang maayos ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang ­nasabing batas kaya labis ngayong nalilito ang mga ­motorista.

Marami ang pumapalag dahil hindi lang pala ang pagti-text at pagtawag sa telepono ang ipinagbabawal sa loob ng sasakyan. Nariyang pinagbabawal din ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglalagay ng mga rosaryo at iba pang religious image sa mga sasakyan.

Oo nga’t malaking tulong at kabawasan sa mga sakuna sa kalsada ang pagbabawal sa ‘text & call’ habang nagmamaneho. Tama lang na tanggalin ang mga nakakasagabal sa “line of sight” ng driver pero hindi naman siguro distraction ang mga rosary beads at mga religious image para ipatanggal pa sa rear view mirror ng mga pampubliko at pri­badong sasakyan.

Hindi ba naiisip ng mga nagsusulong na ito na karamihan sa mga Pilipino ay madasalin at ang rosaryo o mga maliiit na imahe ng mga santo ay nagsisilbi na rin nilang gabay o dinadasalan upang malayo sa disgrasya?

Isa pang nakakagulo ay ang pagpapairal ng regulasyon ng DOTr na dapat ilagay sa ibabang bahagi ng sasakyan ang mga navi­gational aid, imbes na sa windshield.

Hindi ba’t mas delikado ang ipinapairal na regulasyon ng gobyerno dahil kinakailangan pang yumuko ng driver at mawawala ang paningin nila sa kalsada para lamang sipatin ang navigational apps tulad ng waze sa cellphone?

Kung tutuusin hindi dapat na ipagbawal ang pagsulyap sa gadget dahil kailangan ito ng mga motorista para mapadali ang kanilang biyahe.

Kung ganyang ngayon pa lang ay pinag-uugatan na ng gulo ang implementasyon sa ADDA ay tama lamang na ­tigilan na muna ito. Tsaka na nila ito tuldukan at tuluyang iratsada sa kalsada matapos silang magsagawa ng consultation at information campaign para hindi na ito makadulot pa ng kalituhan sa mga motorista.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments