EDITORIAL: Buwena-mano sa Anti-Hospital Deposit Law

0
75


Masusubukan na ngayon ang ngipin ng bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte na Republic Act No. 10932 (An Act Strengthening the Anti-Hospital Deposit Law) na nagpapataw ng mas mabigat na parusa o multa sa mga ospital at klinika na tatanggi sa mga pasyenteng walang pandeposito partikular na sa emergency o serious cases.

Halos wala pang isang buwan matapos lagdaan ang nasabing batas at tila buwena-mano sa kasong ito ang sinapit ng 11-buwang sanggol na si Celsey Jane na namatay Mendero Hospital sa Pagadian City, matapos na tanggihang maipasok at magamot sa Intensive Care Unit (ICU) dahil walang maibayad na P10,000 deposito ang magulang nito.

Napakasaklap nang sinapit ng bata at magulang nito na si Rebecca Iyas dahil namatay ang kanyang anak dahil sa kawalan ng konsiderasyon ng nasabing ospital.

Malinaw sa batas na kapag emergency o serious situation, mas kailangang unahin ang buhay at kapakanan ng isang pasyente kahit na wala itong pambayad ng ospital.

Ayon kay Gng. Rebecca, nagmakaawa siya na kailangang maipasok agad sa ICU ang anak dahil sa mataas na lagnat pero hindi ito pinayagan ng ospital dahil wala siyang pandeposito.

Huli na nang makahagilap ng pera ang nanay dahil patay na ang anak nang balikan niya ito sa ospital.

At ang masaklap pa rito, kahit na namatay na ang bata ay nahirapan pa rin itong mailabas ng ospital dahil kailangan pa nilang magbayad ng P10,732.15 na hospital bill.

Mabilis na kumilos ang DOH at pinaimbestigahan agad ang ospital at sakaling mapatunayang salto rito ang ospital, parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na buwan hanggang dalawang taon bukod sa multa na P100,000 hanggang P300,000 ang kakaharapin ng mga sangkot sa insidente.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments