EDITORIAL: Barangay at SK elections

0
81


Pinag-uusapan na naman ngayon ng mga mambabatas kung dapat bang ipagpaliban muli ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 2017.

Una na itong ipinagpaliban dahil sa paniwala ni Pangulong Rodrigo Duterte na karamihan sa mga opisyal ng barangay ay sangkot sa ilegal na droga.

Baka magamit daw ang drug money para impluwensiyahan ang resulta ng halalan pabor sa mga kasabwat o sangkot sa illegal drug trade.

Binalak pang magtalaga na lang ng officer in charge o OIC bilang kapalit ng mga nakaupong opisyal ng barangay subalit hindi ito naisakatuparan.

May mga pumalag. Mahirap din kung tinuloy ang pagtatalaga ng mga OIC dahil puwedeng umiral dito ang padrino system o palakasan.

Baka mga ‘bata’ ng mga pulitiko ang paupuin para mahawakan nila sa leeg at kontrolado ang barangay.

Bakit kasi hindi na lamang ipaubaya sa taumbayan ang pagpapasya kung sino ang bibigyan ng mandato na mamuno sa kanilang barangay?

Lagi na lamang ganito na ang mga mambabatas o ­nakaupo sa Malacañang ang nasusunod kung kailan nila gustong magkaroon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Huwag nating maliitin ang ­kakayahan ng mga tao sa pagboto.

Kung ang ikinababahala ay baka maimpluwensiyahan ng drug money ang halalang barangay at SK aba hindi lang naman ito ang halalan na maaa­ring ma-infiltrate ng mga sindikato ng droga.

Katunayan, may mga insidente na rin na nadadakip ay alkalde o bise alkalde na sangkot sa illegal drugs.

Hindi nga ba’t mismong si Pa­ngulong Duterte ay naglabas dati ng “narco list” na naglalaman ng mga pangalan ng mga lokal na opisyal na sangkot umano sa ilegal na droga.

Overstaying na sa kanilang puwesto ang mga nakaupong opisyales ng barangay dahil sa pagpapaliban ng halalan.

Panahon nang ituloy ang eleksyon para mapalitan din ang mga hindi nakatutupad nang maayos ng kanilang tungkulin sa barangay.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments