EDITORIAL: 3 buwan na ang giyera sa Marawi

0
264


Natatakpan ang giyera kontra mga terorista sa Marawi City dahil sa eskandalong kinasasangkutan ngayon ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Customs (BOC) na pawang may kinalaman sa ilegal na droga.

Ang huling anunsyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay paliit na nang paliit ang pwersa ng Maute Group sa Marawi.

Nabawi na rin ng mga tropa ng gobyerno ang malaking bahagi ng lungsod na sinakop ng tero­ristang grupo.

Subalit wala pang kumpirmasyon kung napatay o buhay pa ang mga pinuno ng Maute Group gayundin ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon. Hindi rin matiyak na nasa Marawi pa ang mga teroristang lider.

Isa pang malaking katanu­ngan ngayon ay ang kalagayan ng mga inosenteng sibilyan na binihag ng Maute Group.

Mayroong ilang sibilyan na nakakatakas sa kamay ng mga terorista subalit sila mismo ang nagsasabi na may mga bihag pa ang Maute Group.

Itong mga nakatakas na bihag ang nagkukuwento sa ginagawa o mga pinagagawa sa kanila ng mga terorista. Mayroong nagsisilbing kusinero at tagagawa pa ng bomba. Ali­pin sila sa kamay ng mga terorista.

Kung ilan pa ang bihag ng Maute Group ay walang tiyak na numero kung gaano pa sila karami na dapat masaklolohan ng mga tropa ng gobyerno.

Maselan ito dahil kaligtasan nila ang pinag-uusapan. Siyempre mas gugustuhin ng pamahalaan na buhay silang mabawi mula sa mga terorista.

Noon pang Mayo 23 nagsimula ang bakbakan sa Marawi sa pagitan ng ating mga kasundaluhan at mga galamay ng Maute Group. Mahigit tatlong buwan na ngayon ang giyera sa naturang lungsod.

Ito ang dahilan para magdeklara ng Martial Law si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong rehiyon ng Mindanao. Pinalawig pa nga ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso batay na rin sa kahilingan ng pa­ngulo.

Batay sa pinakahuling datos na ibinigay ng AFP, nasa 596 na mga terorista na ang napatay sa bakbakan, 129 sa panig ng mga sundalo at 45 sa hanay ng mga sibilyang naipit sa digmaan.

Hindi habampanahon na mananatili sa Marawi ang mga tero­rista. May katapusan din ang kanilang grupo. Umasa tayo na magwawakas na ang giyera sa bahaging iyon ng Mindanao.

Marami na sa mga evacuees ang nais bumalik sa kanilang mga pamayanan. Gusto nang makapagsimula muli.

Suba­lit para mangyari ito ay kinakailangan munang ganap na mabawi ang Marawi mula sa mga terorista. Higit sa lahat, madakip ang kanilang mga pinuno.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments