DUTERTE, SINIGURO ANG PAGBANGON NG MARAWI

0
91


TINIYAK ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na muling makababangon ang Marawi City sakaling matapos na ang kaguluhan na sinimulan ng Maute Group na nagresulta sa pagkamatay ng mga sundalo, rebelde at sibilyan.

Sa ngayon ay isa-isa nang nagsasagawa ng pag-aaral ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kung paano muling makababawi ang naturang lungsod at tuluyang maibalik sa maayos ang pamumuhay ng mga residente.

Hindi magtatagal ay mawawakasan na ng tropa ng pamahalaan ang gulong sinimulan ng mga rebeldeng grupo dahil, ayon na rin sa Armed Forces of the Philippines (AFP), malapit nang maubos ang mga natitirang miyembro ng teroristang Maute Group.

Bantay-sarado na rin ang ginagawa ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang lugar sa Mindanao upang hindi makapasok sa Marawi City ang mga kakampi ng Maute Group na gustong sumama sa kaguluhan gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Matatandaang sinabi ng AFP na posibleng may mga dayuhan na nakihalo sa kaguluhan base na rin sa mga palatandaan na kanilang nakuha sa mga pinagkutaan ng mga kasapi ng Maute Group.

Samantala, abalang-abala ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng kaguluhan habang ang iba pang ahensya ng gobyerno ay tumutulong na rin upang maging mas mabilis ang pagbibigay ng serbisyo.

Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng kagustuhan ni Pangulong Duterte na muling maibalik sa dati ang maayos na pamumuhay ng mga residente ng Marawi City, hindi magtatagal ay matatahimik na rin ang naturang lugar na binulabog ng mga kilabot na terorista.

Kapag tuluyan nang natapos ang kaguluhan ay agad na sisimulan ng gobyerno ang mga nakalinyang proyekto o programa para tuluyang makabangon ang mga residente na hanggang ngayon ay magulo pa rin ang mga isipin dahil sa kanilang sinapit na trahedya.

Sa pamamagitan din ng ipinakikitang suporta ng ating mga kababayan sa mga naapektuhang residente ay naniniwala tayo na muling makababangon ang mga naging biktima ng kaguluhan.

Dahil na rin sa mahigpit na pagtutulungan nating lahat at ng pamahalaan, magiging mabilis ang kanilang pagbabalik sa kanilang nakasanayang tahimik, masaya at progresibong pamumuhay. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments