DUTERTE, DIKTADOR

0
63



Patungo na sa isang diktaduryang pamahalaan ang nakikita ni Liberal Party President at Senator Francis “Kiko” Pa­ngilinan kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito nang pahayag ng Pangulo na hindi niya pakikinggan ang Korte Suprema gayundin ang Kongreso kaugnay sa pagdeklara niya ng martial law.

Giit ng senador, ang pagpapahintulot sa Pa­ngulo na balewalain ang Konstitusyon ay senyales nang pagbubukas ng pintuan tungo sa diktadurya at mahigpit nila itong tinutulan.

“To allow the President to disregard the Cons­titution is to open the gates to dictatorship. This we vigorously oppose. Might is not right,” ayon kay Pangilinan.

Pinaalalahanan ni Pa­ngilinan ang Pangulo, na walang sinuman ang nakakahihigit sa batas, maging ang Pangulo.

“No one is above the law, not even the President,” ayon sa senador.

Nanumpa umano ang Pangulo na itaguyod ang Konstitusyon at hindi nito maaaring dungisan at gawin lamang ang kanyang ninanais.

Joint session

Samantala sa pamamagitan ng inihaing resolusyon kahapon, opisyal nang hiniling ng minority bloc ng Senado ang pag-convene o pagdaos ng joint session ng Kongreso upang talakayin ang pagdeklara ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang pagsuspende ng privilege of writ of habeas corpus.

Sa Senate Resolution No. 390 na suportado ng anim na miyembro ng minority bloc, binigyan-diin ang kahalagahan na gampanan ng Kongreso ang pangunahing tungkulin at obligasyon nito upang magdaos ng joint session upang talakayin ang idineklarang proclamation No. 216 ng Pangulo na may titulong “Declaring a State of Martial Law and Suspending the privilege of the Writ of Habeas Corpus in the Whole of Mindanao.”

“Section 18, article VII of the Constitution, the Congress has the sacred duty and preemptory obligation to seek information surrounding the proclamation, assess its factual basis and if warranted, revoke the same,” ayon pa sa resolution.

Una nang iginiit ng ilang senador na hindi na kailangan magdaos ng joint session ang kongreso kung wala namang intensyon na ipawalang saysay ang dineklarang martial law ng Pangulo.

Security officials pinulong

Nagdaos ng closed door meeting ang mga senador noong Lunes ng hapon upang gisahin ang security officials hinggil sa “factual basis” ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao.

Humarap sa closed door briefing sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon at Armed Forces of the Philippines (AFP) vice chief of staff Lt. Gen. Salvador Melchor B. Mison Jr.

Samantala, ang Deputy Chief of Staff for Intelligence o J2 ng AFP ang siya namang nagsagawa ng presentasyon sa mga senador hinggil sa na­ging basehan ni Pangulong Duterte ng deklarasyon ng martial law.

Hindi pa tapos ang briefing habang sinusulat ang balitang ito dakong-4:40 ng hapon.

Nagsimula ang briefing dakong-3:30 ng hapon, ilang minuto matapos i-adjourn ng maaga ang sesyon ng Senado bilang respeto sa pagpanaw ni dating Sen. Eva Estrada Kalaw noong Huwebes.

Umaabot sa 21 senador ang dumalo sa briefing na hiniling ni Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Miyerkules at inaprobahan naman sa sesyon ng Senado.

Malacañang kumambiyo

Nilinaw ng Malacañang na walang intensyon si Pangulong Rodrigo Duterte na balewalain ang Supreme Court (SC) at Kongreso anuman ang maging kapasyahan ng dalawang sangay ng pamahalaan patungkol sa idineklarang martial law sa Mindanao.

Sa naging talumpati ni Pangulong Duterte sa pagbisita nito sa Camp Teodulfo S. Bautista sa Barangay Bus-bus, Jolo, Sulu nitong Mayo 27, ngayong taon, inihayag nito na tatapusin nito ang idineklarang Martial Law sa Mindanao alinsunod sa mga iuulat at impormasyon na manggagaling mula sa militar at pulis.

Gayunman sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hindi ito nangangahulugan na iba-bypass o de­dedmahin ni Pangulong Duterte ang SC gayundin ang Kongreso.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments