DRUGLORD, STL OPERATOR SA NORTE

0
28


GAANO katotoo ang balita na ang isang operator ng Small Town Lottery sa Norte ay kasama sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte?

Nakarating sa aking kaalaman na bago pasukin ang STL, sangkot umano ito sa bentahan ng iligal na droga sa Norte.

Kaya, ang STL operator na ito ay nasa listahan ng drug watch ni Duterte.

Kung gano’n, bakit naman binigyan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ng karapatang magpatakbo ng STL sa Norte gayong kilala pala itong druglord?

Hindi ba dapat mag-imbestiga muna ang PCSO o alamin muna ang background ng mga taong bibigyan nito ng prangkisa ng STL?

Nakaaalarma ang ganitong pangyayari dahil posibleng idamay ng STL operator ang pagbebenta ng droga sa operasyon ng STL.

Sa aking pagkakaalam sa regulasyon ng PCSO, dapat hindi pinapayagang magpatakbo ng STL ang sangkot sa iligal na droga dahil tiyak na higit pang sisigla ang pagbebenta ng droga kaysa STL.

Ito ang pinangangambahan ng ibang STL operator sa Norte kapag hindi mabawi ang prangkisa sa STL ng naturang drug lord, dahil siguradong nahaluan ng iligalidad ang ligal na negosyo ng pamahalaan.

Ang pagkakaroon ng drug lord ng prangkisa ng STL ay nagpapakita na maluwag ang PCSO sa pagbibigay ng prangkisa ng STL, kaya may nakasingit na kriminal sa ligal na negosyo ng pamahalaan.

Maging mga jueteng lord ay nabigyan ng PCSO ng prangkisa ng STL, kaya naman hindi ako magtataka kung tuloy-tuloy pa rin ang pajueteng nila kasabay ng kanilang STL. Ang masama rito, nagmimistulang prente ang STL ng jueteng.

Kung ganyan ang nangyayari sa ibang mga operator, pihadong malaki ang posibilidad na ang sinasabing STL operator sa Norte na nasa drug watch list ni Pangulong Duterte ay kanya ring isasabay sa pagpapataya ng STL ang pagbebenta ng iligal na droga.

Tiyak mag-iinit ang ulo ni Duterte kapag makarating sa kanya ang ganitong masamang balita, sapagkat alam naman nating lahat na galit na galit ang pangulo sa droga.

Kaya naman nanawagan tayo sa pamunuan ng PCSO, lalo na sa kapita-pitagang general manager nito na si retiradong heneral Alexander Balutan, na masusing paimbestigahan ang nabanggit na kontrobersya hinggil sa drug lord na naging STL operator.

Ang isasagawang imbestigasyon ay kongkretong aksyon sa pagsuporta ng PCSO sa kampanya laban sa iligal na droga ni Duterte.

Nakatitiyak ako GM Balutan na hindi ninyo kukunsintihin ang mga ganitong STL operator na sangkot sa droga na nasa listahan pa ng drug watch ni Duterte.

Aksyon na GM Balutan para sa interes at kagalingan ng taumbayan! BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments