DROGA SA PIITAN – Remate

0
23


MARAHIL ay masyadong nakatutok ang gobyerno na mapigilan ang pagkalat ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) kaya nabigong mapansin ang posibilidad na may problema rin sa droga sa ibang kulungan.

Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Special Weapons and Tactics (SWAT) at Bureau of Corrections (BuCor) ang selda ng 72-anyos na sentensyadong Taiwanese drug queen Yu Yuk Lai sa loob ng Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City noong Lunes.

Nakumpiska ng awtoridad ang 135 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1-milyon na nakatago sa pantyliners, dalawang kilong shabu na may halagang P10-milyon, isang kapsula na naglalaman ng pinaghihinalaang droga at libo-libong kapsula na walang laman, mga tseke ng bangko at bank account na may depositong P1,501,934.

Ang raid ay isinagawa matapos ang isang buwang pagmamanman at test buy na nagkumpirma sa ibinebentang droga.

Makalipas ang ilang oras, sinalakay ng PDEA sa tulong ng Presidential Security Group (PSG) ang condominium unit sa San Miguel, Maynila malapit sa Malacañang na inokupahan ng anak ni Yuk Lai na si Diane Yu Uy kung saan dalawang kilo ng shabu na may halagang P10-milyon ang nasamsam.

Naniniwala ang mga awtoridad na ginagamit ni Yuk Lai ang anak para mag-supply ng droga sa CIW at iba pang lugar. Natuklasang isang pulis ang nagsisilbing bodyguard kay Uy.

Ayon kay PDEA chair Director-General Aaron Aquino ay sinubukan ni Uy na manuhol ng P5-milyon para sa kanyang kalayaan pero tumanggi ang mga nag-raid.

Si Yuk Lai at kapwa akusadong si Kenneth Sy Monceda ay sinentensyahan sa pagbebenta ng tatlong kilo ng shabu sa isang undercover agent sa Maynila noong 1998.

Sa kabila 19 na taon na pagkakakulong ay hindi natuto ng leksyon si Yuk Lai at nagpatuloy sa iligal niyang gawain.

Ito ang unang pagkakataon na sinalakay ang CIW at nakitaan ng ipinagbabawal na droga. Ayon kay Aquino ay isang druglord na nakapiit sa NBP ang nagsusuplay ng droga kay Diane.

Sa madaling salita, patuloy na namamayagpag ang droga kahit sunod-sunod ang raid sa NBP.

Sa puntong ito ay hindi na kailangang ipasok ang droga sa loob ng NBP. Ang kailangan lang ng druglords ay cellphone upang ipagpatuloy ang iligal nilang transaksyon nang walang huli.

Naniniwala ang Firing Line na ang problema sa mga druglord at iligal nilang gawain ay magwawakas lang kapag inilipat ang NBP sa lalawigan kung saan ito mapag-iisa at walang makokontak na tao sa labas.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments