DNA TEST HINAMON – Remate

0
16


BATAY sa deoxyribonucleic acid (DNA) test na isinagawa ng Philippine National Police, ang bangkay na nakuha sa isang sapa sa Nueva Ecija ay hindi ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Ang DNA test mula sa sampol na kinuha sa bangkay at sa mga magulang ni De Guzman ay 99.9% umanong nega­tibo ang pagkakatugma.

Gayunman, ayaw tanggapin ng ama ni Kulot na si Eduar­do Gabriel ang natuklasan ng PNP at humingi ng panibagong DNA test ng ibang institusyon at hindi ng kapulisan.

Hindi rin pinansin ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta ang pahayag ng PNP kaugnay ng DNA test.

Ayon sa kanya ay kinilala mismo ng mga magulang ni De Guzman na ang katawan ay sa kanilang anak. May mga marka rin sa bangkay na tumutugma kay Kulot tulad ng kulugo sa binte. Kinuwestyon ni Acosta kung sino ang nag-utos sa PNP na mag-DNA test.

Ang criminal law expert na si Atty. Jose Justiniano ay nagpahayag na karapatan ng im­bestigador na humiling ng DNA test sa katawan upang malaman ang pagkakakilanlan nito.

Pero sa kabila ng DNA test ay nananatiling matatag ang mga magulang ni De Guzman sa paniniwala na ang bangkay ay ang nawawala nilang anak.

* * *

Si Kulot ay huling nakita na kasama ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz noong Agosto 17 bago sila mawala.

Si Arnaiz ay nakipagbarilan umano kaya napaslang ng mga pulis ng Caloocan na humuhuli sa kanya sanhi ng panghoholdap sa taxi driver.

Pero sa resulta ng awtopsiya ay lumalabas na hindi makalalaban si Arnaiz nang barilin ng mga pulis.

Ang mismong taxi driver na si Tomas Bagcal ay nagsabi na buhay si Arnaiz nang dalhin niya sa presinto matapos ang panghoholdap at ang barilan na sinasabi ng pulis ay “scripted”.

Isa pang mahalagang testigo ang lumutang sa tanggapan ni Senator Panfilo Lacson at nagsabing nakita niya ang isang batang lalaki na pinaniniwalaang si De Guzman na kasama ni Arnaiz sa loob ng sasakyan ng pulis bago maganap ang pagpatay.

Ayon kay President Duterte ay may mga elemento na maaaring gumagamit sa pagkamatay ng mga teenager bilang paraan para masabotahe ang kanyang kampanya laban sa droga at kriminalidad upang magatungan ang galit ng publiko.

Buo ang suporta ng Firing Line sa laban ng gobyerno sa droga. Pero paano paniniwalaang pananabotahe ang pagkamatay ng isang teenager kung ang forensic analysis ay nagpapakita na si Arnaiz ay binaril habang nasa lupa, posibleng na-torture at nakaposas pa?

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments