Deployment ban

18


Bylines by Milky Rigonan

Bylines by Milky Rigonan

Libo-libong OFW ang nagtatrabaho sa mga bansa sa Middle East. Malaking tulong ang kanilang remittances para madagdagan ang revenue collection ng gobyerno taon-taon.

Sa Kuwait lang, base sa records ng POEA at OWWA, 250,000 OFW ang nagtatrabaho sa Kuwait.

75 percent sa kabuuang bilang ay mga domestic helper. Ilan sa kanila ay nakararanas ng mga pang-aabuso sa kanilang mga employer. May ilang Pinay domestic helper sa Kuwait ang namatay dahil sa pagmamalupit ng kanilang mga amo. Ang iba naman, nadadaya sa kanilang mga kontrata, hindi nakatatanggap ng suweldo at karamihan ay biktima ng rape.

Dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng ilang Pinay domestic helper sa Kuwait, ipinag-utos na ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang deployment ban sa naturang bansa.

Hindi ito maaalis sa Pangulo dahil dapat na prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng ating mga kababa­yang manggagawa sa abroad.
Pero deployment ban ba agad ang solusyon?

Una, ano ba ang contingency plans ng gobyerno sakaling mag-umpisa nang bu­malik sa bansa ang mga distressed OFW mula sa Kuwait?

May naghihintay ba na trabaho o pagkaka­kitaan ang mga ito kapag bumalik ng ­Pilipinas?

Sila ang inaasahan ng kanilang mga pamil­ya, paano ang kanilang kabuhayan kapag pababalikin ng bansa?

Eeksena rin ang Senado sa mga ipatatawag na imbestigasyon dahil sa mga problema ng ating mga OFW sa Kuwait at iba pang mga bansa sa Middle East.

Sa pamamagitan ng Senate Committee on Labor ni Senator Joel Villanueva, rerepasuhin ang mga patakaran ng gobyerno sa deployment ng mga manggagawa sa Gitnang Silangan lalo na’t marami ang nakararanas doon ng pagmamalupit ng kanilang mga amo.

Dapat repasuhin din ang aksyon ng mga personnel sa ating mga embahada sa Middle East na karaniwang inirereklamo ng mga OFW dahil sa umano’y kawalang aksyon.

Sa panig ni Senator Francis Pangilinan, sinabi nito na madaling sabihin na itigil. Dapat i-consider ng gobyerno na ang mga ito ang kumikita para sa kanilang pamilya na naririto sa Pilipinas.

Sa panukala ni Pa­ngilinan, huwag lahatin ang utos ng Pangulo. Sa mga biktima ng pang-aabuso lalo na ang mga OFW na namatay dahil sa sobrang kalupitan ng kanilang mga amo, ipursige ng pamahalaan ang kaso at pagkamit ng hustisya sa kanilang pamilya.

Bukod sa mga distressed OFW sa Kuwait, marami din sa kanila ang maayos ang sitwasyon sa trabaho, kumikita nang maayos at nakatutulong nang malaki sa kanilang pamilya.

Sabi ni Pangilinan, “a ban is always an option pero sa akin, last resort. Kung kaya naman talakayin on a case-to-case basis at magkaroon ng hustisya at magkaroon ng government-to-government na pag-uusap kung papaano mapoprotektahan ang ating mga kababayan na naroroon na kaysa pauwiin nang wala namang naghihintay sa kanilang hanap-buhay dito sa bansa.”

The post Deployment ban appeared first on .



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments