Dagdag-pasahe sa LRT-1, namumuro | ABS-CBN News

91



Namumuro ang dagdag-pasahe sa LRT-1 alinsunod sa kontrata ng Light Rail Manila Consortium (LRMC) sa gobyerno.

Batay sa kontratang napagkasunduan ng gobyerno at ng LRMC, maaaring magtaas ng pasahe ang LRT-1 kada dalawang taon simula 2016 pero hindi ito natuloy.

Limang porsiyento dapat ang itataas mula sa kasalukuyang pasahe. Halimbawa, kung P30 ang bayad mula sa Roosevelt hanggang Baclaran station, magiging P31.50 na ito.

Kung susumahin mula noong 2016, nasa P300 milyon na dapat ang nakolekta ng LRMC dahil sa dagdag-pasahe.

Mungkahi naman ng LRMC, i-subsidize na lamang ito ng gobyerno para hindi na ipasa sa mga pasahero.

“‘Yung P300 million ipapasa mo ba sa riders ‘yan o a-absorb-in na as subsidy ng government? We have suggested, i-subsidize na lang,” ayon kay LRMC president Rogelio Singson. 

Ayon sa LRMC, napabuti na nila ang serbisyo ng LRT-1 mula noong 2015.

Tumaas ang bilang ng tumatakbong tren, umayos ang mga istasyon at napaikli rin ang “waiting time” ng mga pasahero sa tren.

Opisyal na rin nilang tinanggap nitong Huwebes ang dalawang ISO certifications na nangangahulugang maayos nilang nagagampanan ang pagsasaayos ng serbisyo sa railway.

Pero tiniyak nila na walang kinalaman ang dagdag-pasahe sa pagsasaayos ng LRT-1.

Samantala, pumirma ng kasunduan ang Transportation Department at ang gobyerno ng Singapore para matulungan ang Pilipinas na bigyang solusyon ang problema ng trapiko.

Isa sa mga solusyong nakikita ang paggamit ng teknolohiya.
    
Hindi man eksaktong magagaya ang kalakaran ng Singapore sa pagmando sa daloy ng trapiko, umaasa ang hanay ng transportasyon na maging maaliwalas ang trapiko lalo na sa Metro Manila sa mga susunod na taon.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments