Chuckie, ibinahagi ang huling usapan nila ni Isabel

0
70



MANILA — Ibinahagi ni Chuckie Dreyfus ang huling usapan nila ng aktres na si Isabel Granada na pumanaw noong Sabado sa Qatar dahil sa aneurysm.

Sa “Umagang Kay Ganda” nitong Lunes, sinabi ni Chuckie na tungkol sa gym ang kanilang huling naging usapan.

“Si Isabel nakausap ko one week bago siya umalis papuntang Qatar. Nag-message siya sa akin. Kasi madalas siyang mag-message sa akin at madalas siyang makipag-usap. Nakikipagkuwentuhan lang, kasi nalaman niya bumalik ako sa gym. Alam niyo naman si Isabel napaka-competitive at very active sa sports. Gusto niya yata sumabay sa akin sa gym. So, nagpapasama. Sabi niya kung puwedeng dalhin ko siya doon at ipakilala sa trainor ko, ‘yung mga ganoong bagay. Madalas naman po kaming nagkikita,” ani Chuckie.

Pag-amin ni Chuckie, kung may bagay siyang pinagsisisihan ay ang hindi niya pagbibigay ng mas maraming oras sa malapit na kaibigan.

“Normal naman kasi sa amin talaga. Minsan nga bigla-bigla ‘yang mag-message. Pero madalas din ‘yang mag-message na tara labas tayo, or kahit mag-dinner naman tayo. Sometimes you take it for granted na ngayon kapag naiisip ko, ngayong wala na si Isabel, parang nagsisisi ka na sana ay naibigay ko lahat ng oras na hinihingi niya. Kasi madalas nga siyang nagyayang lumabas. So sana mas binigyan ko ng importansiya. Sana nakagawa ako ng paraan, oras para magkita kami ng mas madalas pa,” ani Chuckie.

Pagbabahagi ni Chuckie, hindi naputol ang komunikasyon nila ni Isabel kahit natapos ang kanilang pagiging mag-love team. Giit ng aktor malapit si Isabel maging sa kanyang asawa at mga anak.

Tulang ng iba, nabigla din ang aktor sa nangyari sa aktres lalo’t alam niyang maingat ito pagdating sa kalusugan.

“Isa din ako sa nagulat sa kanya, kasi si Isabel, siguro dahil masyado siyang active, o nagpupuyat siya palagi, madaing din ‘yan sa sakit ng ulo. Pero dahil madalas niyang binabanggit ‘yan parang naging normal na lang sa amin na ‘o baka puyat ka na naman o pagod ka.’ So hindi namin naisip na ‘yun na ‘yung nagbabanta na rin. Pero sa kabilang banda, naisip ko na ‘yung father ni Isabel, siguro more than 10 years ago, sa pagkakatanda ko ay namatay din due to aneurysm. … baka nasa lahi po kaya ganoon din po ang nangyari sa kanya,” ani Chuckie.

Nang matanong kung may nais siyang sabihin kay Isabel, sagot ni Chuckie: “Sana nabigyan kita Isabel ng mas maraming oras pa. Alam ko na nag-uusap tayo, busy ka rin sa sarili mong career at sa mga trabaho mo. Pero sana lang noong mga panahon na humingi ka nang pagkakataon na makipagkita at kumain man lang sa labas, sana ay nabigyan ko pa lalo ng importansiya. Kahit madalas tayong nagkikita, sana ay mas madalas pa kitang binigyan ng oras. … Alam ko nakikinig siya ngayon, mahal na mahal kita at hindi kita makakalimutan. Isa ka sa mga taong naghulma ng aking pagkatao. Malaking bahagi ka ng buhay ko, isang malaking parte ng buhay ko ay nawala noong nawala ka at hinding-hindi ko yon maibabalik kahit kailanman.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments