Chinese telcos bilang 3rd player mapanganib

0
30


Wala tayong tutol na magkaroon ng third player sa telecommunications business sa Pilipinas upang magkaroon ng iba pang choices ang mga Filipino.

Ang pagkakaroon ng third player ay makakapagpahigpit din ng kompetisyon na maaaring magdulot ng mas maayos at magandang serbisyo para sa mga konsumer. Subalit marami ang nag-alinlangan kung bakit sa dami ng mga interesadong pumasok sa industriyang ito ay Chinese telcos ang napipisil ng Malacañang na maging third player.

Nais kong ipaalala na patuloy ang tunggalian sa pag-angkin ng mga teritor­yo sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pi­lipinas at China. Dahil dito, ang China ay maituturing na pangunahing banta sa ating pambansang seguridad.

Kung ating pahihintulutan ang mga Chinese telcos na magtayo ng mga kritikal at sensitibong impraestruktura lalo pa para sa telecommunications, maaaring nilalagay natin ang ating bansa sa panganib ng paniniktik at pag-eespiya.

Marami nang mga naging reports na may mga Chinese telecommunication firms na banta sa cyber-security. Ang mga telecommunications firms na ito ‘di umano ay pronta lamang ng gobyerno ng China upang magnakaw ng mga impormasyon mula sa target na bansa.

Bigla ko tuloy naalala ang alegasyon ng India na tinitiktikan ng China ang kanilang telecom network. Tulad ng Pilipinas, may tensyon din ang India at China dahil sa kanilang border dispute.

China ang supplier ng telecom equipment at hardware sa India at sa pamamagitan ng mga ito ay naha-hack nila ang telecom network ng India. Paano pa kung sila na mismo ang mag-o-operate ng telcos sa ating bansa?

Maraming hindi nakakaalam, pero Chinese firm ang may hawak sa 40% sa National Grid Corporation of the Philippines. Kung pati sa industriya ng telecommunications ay sila ang hahawak, hindi ba mas lalong nilalagay natin sa panganib ang ating pambansang seguridad? Ang pagpapapasok natin sa China sa sektor ng telecommunications ay tila pagbibigay pahintulot na rin sa posibleng pananabotahe at manipulasyon.

Dapat lamang na tayo ay mabahala sa mga planong pagpapasok ng mga Chinese firms bilang third player sa telecommunications industry lalo pa at may implikasyon ito sa ating pambansang seguridad.

Sinusuportahan natin ang pagpapabuti ng telecommunication services sa pamamagitan ng pagpapapasok ng mga kakompetensiya pero dapat tayo ay manatiling mapagmatyag upang maprotektahan ang interes at seguridad ng ating bansa.

Kung talagang gusto ng Pangulo na magkaroon ng masiglang kompetensiya sa telecommunications industry, maaari namang mag-imbita ng ibang telcos kung saan wala ta­yong ‘conflict of interest’.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments