CASINO PLAYER ANG SUSPEK! –

0
92


Inihayag kahapon ng Southern Police District (SPD) na may lead na sila sa pagkakakilanlan ng nag-iisang gunman na umatake sa Resorts World Manila (RWM) sa Pasay City.

Sa panayam kay SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario, pansa­mantalang hindi muna nila pangalanan ang suspek dahil sa patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.

“Pag natapos na po itong imbestigasyon na ginagawa namin ay ihahayag din po namin ang pangalan ng suspek. Pero sa ngayon muna po ay hindi muna,” pahayag ni Apolinario.

Sinabi ni Apolinario na manlalaro sa RWM ang suspek kaya nakilala ito. Isa umano itong dayuhan ngunit hindi muna inihayag ni Apolinario kung ano ang nationality nito.

Aniya, sa kanilang pagsusuri sa CCTV na nakuha nila sa RWM natukoy nang mag-isa lamang ito nang umatake sa ikalawang palapag ng casino hotel.

“Akala po ng mga guest na naroroon sa loob ng Resorts World ay maraming suspek dahil sa sunud-sunod na pu­tok ng baril ang kanilang naririnig. Pero isa lamang po itong gunman,” ayon kay Apolinario.

Inilarawan din ng pulisya ang suspek na mestiso, malaki ang panga­ngatawan, at nagsasalita ng diretsong Tagalog.

SUMAKAY SA TAXI

Hawak naman umano ngayon ng Pasay City Police ang ikalawang “person of interest” na sinasabing isang taxi driver.

Sinasabing sumakay sa minamanehong taxi ng driver ang suspek patungo sa RWM bago maganap ang insidente.

Sa panayam kay Sr. Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Pasay City Police isinasailalim na nila ngayon sa interogasyon ang taxi driver (hindi muna binanggit ang pa­ngalan) na nagmamaneho ng “Krislou” taxi.

Base umano sa salaysay ng driver sa pulisya, kamukha ng gunman ang kanyang naging pasahero na naisakay niya sa may Sta. Cruz, Maynila dakong alas-11:00 ng gabi at nagpahatid sa RWM.

Batay naman sa kuha ng CCTV ng RWM, nakitang dumating ang taxi bandang alas-12:01 ng hatinggabi sa main entrance nito at bumaba ang suspek na nakasuot ng itim na long sleeve na may itim na vest at itim na pantalon.

Malaki rin aniya ang pangangatawan nito at mukhang dayuhan.

Dahil dito, sinabi ng pulisya na naka-taxi lamang ang gunman nang magtungo sa RWM bago maganap ang insidente taliwas sa naunang inihayag ng SPD na sakay ng isang kotse ang suspek at bumaba sa parking area ng RWM.

“Nakasakay po ng taxi `yung gunman at nakita po namin sa nakuha na­ming CCTV kung paano bumaba at nakapasok sa loob ng hotel ang suspek. Na-trace po namin `yung taxi driver na sinakyan dahil napanood namin ‘yung CCTV at nakuha namin `yung plaka,” ayon pa kay Bartolome.

Inimbitahan umano nila ang taxi driver sa police headquarters at masusi na nilang isinasailalim sa interogasyon.

Samantala, inilabas na kahapon ng Pasay City Police ang unang report sa naganap na trahedya sa RWM.

Base sa limang pahinang report na isinumite ni Bartolome, 38 ang nasawi sa insidente kabilang dito ang gunman at 76 ang sugatan, 37 dito ay namatay noon din sa loob ng RWM, partikular sa ikatlo at ikalawang palapag.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments