BULTO NG P2B LOBBY MONEY NAPUNTA KINA ALVAREZ AT FARIÑAS?

0
128


HANGAD ng administrasyong Duterte na makasingil ng mas malaking buwis mula sa mga negosyante upang makalikom ng mas malaking pondo upang matustusan ang mga proyekto nito tulad ng imprastratura.

Isa sa target ng pamahalaan na pagkukunan ng kita ay ang buwis sa sigarilyo.

Kamakailan, ipinasa ang House Bill No. 4144 na ang laman ay mas mataas ang singil na buwis sa mamahaling sigarilyo at mababang buwis sa mumurahing sigarilyo.

Nasa 176 ang pabor, 30 ang tutol at tatlo ang hindi pumabor o kumontra.

Napabilis ang pagpasa ng HB 4144 dahil sa trinabaho nang husto nina Speaker Pantaleon Alvarez at Majority Leader Rodolfo Fariñas.

Walang masama sa ginawa nilang paspasang pag-aksyon sa HB 4144, sapagkat sina Alvarez at Fariñas naman ang mga pangunahing pinuno ng Kamara de Representates.

Sa kanila nakasalalay ang mabilis o mabagal na pagdedesisyon ng mga kasapi ng Kamara sa bawat panukalang batas.

Ang masama, ang ginawa ng dalawa ay taliwas sa kagustuhan ng administrasyong Duterte na lumaki ang kita ng pamahalaan.

Ang nakabubuwisit dito ay pabor na pabor sa mga mumurahing sigarilyo ang panukalang batas tulad ng produkto ng Mighty Corporation.

Nakababanas talaga ang ginawa nina Alvarez at Fariñas dahil ang kinampihan ng dalawa ay kompanyang nanloko sa pamahalaan ng halos P10-bilyong buwis.

Nahaharap ngayon ang Mighty Corporation sa tax evasion, ngunit pinaboran at kinampihan pa nina Speaker Alvarez at Ilocos Norte Rep. Fariñas.

Inakusahan din ng Department of Justice ang Mighty Corporation ng pamemeke ng stamps.

Ano ba itong sina Alvares at Fariñas, kakampi o kaaway ni Pangulong Duterte?

Hindi nagustuhan ng maraming mambabatas ang ginawa nina Alvarez at Fariñas, kaya nga ang katulad ni Taguig City Rep. Pia Cayetano ay nanggigilaiti sa galit sa ginawa ng dalawang ito.

Nakadagdag pa sa asar ng 33 kongresista ang ulat na may P2-bilyong “lobby money” sa ilang ‘espesyal’ na mga kongresista.

Ngunit, usap-usapan sa Kamara na sa P2-bilyong lobby money o ‘pampadulas’ at ‘pampabilis’ sa pagpasa ng HB 4144 ay napakalaki ng napunta kina Alvarez at Fariñas.

Hindi malinaw sa impormasyon kung Mighty Corporation ang nagbigay ng P2-bilyong lobby money.

Ang malinaw, ang Mighty Corporation ay tiyak na makikinabang sakaling maging ganap na batas ang HB 4144.

Sana, kontrahin ng Senado ang HB 4144. Sana, hindi masilaw ang mga senador kung magparating din ng P2-bilyong padulas sa kanila. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments