BSP kinastigo sa nakalilitong bagong P5 coin

27


KINASTIGO ni Sen. Nancy Binay ang Bangko Sentral sa pagpapalabas ng bagong limang pisong coins na halos kahalintulad ng pisong coin na nagreresulta ng kalituhan sa maliliit na negosyante at mamamayan sa pangkalahatan.

Sa pahayag, sinabi ni Binay na kailangan nang itigil at bawiin ng BSP ang sirkulasyon ng bagong limang piso upang matigil ang kalituhan.

“Upang maiwasan ang tuluyang pangkalito ng mamamayan, kailangan nang ikonsidera ng BSP na pansamantalang pigilin ang pagpapalabas ng bagong limang piso na planong ipakalat sa Enero,” giit ni Binay.

Sinabi ni Binay na sinimulan ng BSP na ipakalat ang bagong limang piso nitong Disyembre na nagresulta ng pagkalito sa pagsukli at pagbabayad ng tindera, tsuper at iba pang negosyanteng malimit gumagamit ng barya.

“It is best to keep an eye on those new five-peso coins. Lalo na doon sa mga nanunukli ng barya sa tricycle, jeep, tindahan at mga maliliit na negosyo. Sobrang nakakalito ang bagong limang-piso na halos magkasing hawig at laki lang ito ng piso,” ipinunto niya.

Pinalitan ng BSP ng mukha ni Andres Bonifacio ang larawan ni Emilio Aguinaldo.

Ngunit, medyo maliit ang sukat nito kumpara sa kasalukuyang limang pisong barya na kulay ginto. “Katunayan halos magkatulad ang bagong limang pisong barya sa piso na nakalagay si Dr. Jose Rizal.”

“We welcome the new and fresh designs of the NGC. But did the Numismatic Committee ever consider the behavioral change it will create, and the possibility of confusion between merchants and the public? Sa totoo lang, meron impact sa ordinaryong Pinoy sa araw-araw na transaksyon ang mga bagong coin na ilalabas ng BSP,” paliwanag niya.

Aniya pa, karamihan sa publiko na sumasakay ng pampasaherong sasakyan at iba pang nasa sector ng transportasyon ang siyang mahihirapan sa bagong sirkulasyon ng bagong limang pisong barya.

“Sana po ay merong maayos na info drive, media campaign or advisories na ginawa ang BSP bago ilabas ang mga bagong barya. We welcome the change if it’s an issue of security but the problem lies on the circulation where the new coins will co-exist with the P1, P5, and P10 coins that are now more widely used by the public,” ayon sa senador. ERNIE REYES





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments