BIDA KA!: Marawi at Resorts World

0
87


Mga bida, dalawang magkasunod na pangyayari ang gumimbal sa buong bansa nitong mga nakalipas na linggo.

Noong ika-23 ng Mayo, nagkaroon ng operasyon ang militar sa Marawi City laban sa teroristang si Isnilon Hapilon. 

Nauwi ang operasyong ito sa ma­tinding bakbakan sa pagitan ng ating mga sundalo at mga tropa ni Hapilon na suportado ng mga miyembro ng Maute group, na sinasabing may koneksiyon sa grupong ISIS.

Kinailangang ilikas ang mara­ming residente ng Marawi City upang hindi maipit sa gitna ng matinding bakbakan. 

Sa insidenteng ito, napilitan ang Malacañang na magdeklara ng Martial Law sa Mindanao upang matapos sa lalong madaling panahon ang kaguluhan sa Marawi City.

*** 

Nakakalungkot ang nangyari sa Marawi City dahil ilang araw bago nangyari ang kaguluhan ay naroroon ako para sa inagurasyon ng ika-508 Negosyo Center sa Pilipinas.

Makasaysayan ang Negosyo Center na ito dahil ito ang kauna-unahan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na isa sa pinakamahirap na lugar sa Pilipinas. 

Sa aking pagbisita, nakita ko sa mga mukha ng dumalo sa pagbubukas ng Negosyo Center ang pag-asa na makaahon sa kahirapan sa tulong ng pagnenegosyo. 

Lahat ng aking nakausap, mula sa mga lokal na opisyal, mga opisyal ng Armed Forces at mga pinuno ng Department of Trade and Industry (DTI), nagsabi na malaki ang maitutulong ng Negosyo Center para umunlad ang lugar. 

Sabi nga ni Vice governor Bombit Adiong, makatutulong ang Negosyo Center para maipakilala ang iba’t ibang produkto ng lalawigan, hindi lang sa mga kalapit na lugar, kundi sa buong bansa.

Kapag nagkaroon ng pag-unlad sa lugar, nagkakaisa silang nagsabi na mabibigyang daan na ang kapayapaan, na matagal na nilang inaasam.

Ngunit sa nangyaring labanan, naglahong parang bula ang pag-asang nasaksihan natin sa ating pagbisita.

*** 

Nakadagdag pa sa lungkot ng bansa ang pagkamatay ng sampung sundalo sa Marawi City dahil sa “friendly fire” nang tamaan ng bomba na para sana sa Maute group. 

Nabalot naman ng takot ang mga taga-Metro Manila nang pasukin ng isang armadong lalake ang isang casino. Nang hindi pa malinaw ang balita, kumalat ang iba’t ibang espekulasyon. 

Marami ang nagsabi na ito’y isang terrorist attack o insidente na posibleng gawing dahilan ng pamahalaan para magdeklara ng Martial Law sa buong bansa.

Mabuti’t naging mabilis ang imbestigasyon at paglilinaw ng mga awtoridad na ang nangyari ay isang simpleng kaso lang ng pagnanakaw at walang kinalaman sa terorismo.

*** 

Sa gitna ng mga pangyayaring ito, kaisa tayo ng lahat ng Pilipino sa pagdarasal sa mga biktima ng karahasan, nitong mga nakalipas na araw.

Kasabay nito, dapat tayong magkaisa para sa kapayapaan at demokrasya, magkakaiba man ang ating mga pananaw at prinsipyo sa buhay.

Hindi natin dapat hayaang mamayani ang takot sa ating lipunan. Kapag umiral ang takot sa ating lipunan, panalo ang mga terorista at masasamang elemento. Pairalin natin ang pagmamahal sa Panginoon, sa bansa at sa kapwa Pilipino.

Sa pamamagitan nito, sama-sama nating malalampasan ang anumang pagsubok bilang nagkakaisang Pilipino.

***

Mga Bida, makipagkuwentuhan kay Sen. Bam sa fb.com/BenignoBamAquino o sa e-mail bidakacolumn@gmail.com!



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments