BELLO, HUWAG PROTEKTAHAN ANG MGA KORAP SA POEA

0
33


HAHANGA na sana ako kay Labor Secretary Sylvestre Bello III nang ibunyag niya sa media ang korapsyon ng ilang opisyal at kawani ng Philippine Overseas Employment Administration laban sa overseas Filipino workers.

Kaso, hindi naman masabi ni Bello hanggang ngayon kung sinu-sino ang mga demonyong ito na pinagkakakitaan ang mga manggagawa sa paglalabas ng overseas employment certificates para sila ay makapagtrabaho sa ibang bansa.

Inilantad ni Bello ang OECs scam sa media, tapos inanunsiyo rin niyang itinalaga niya Usec. Bernard Olalia bilang pinuno ng pangkat na mag-iimbestiga sa OECs scam.

Sana, bago ilantad ni Bello ang pangangawarta ng mga korap na opisyal at kawani ng POEA sa mga manggagawa, pinatapos muna nito ang imbestigasyon para kapag ibinunyag niya sa media ang OECs scam ay tukoy at sukol na ang mga pesteng nanghuhuthot ng pera sa OFWs.

Kaso, dahil sobrang sabik na mabalita ang kanyang pangalan sa media, pinakawalan na ni Bello ang inisyal na sumbong sa kanya hinggil sa korapsyon sa POEA.

Lumalabas kasi nagpapogi lang si Bello upang ipakita sa publiko na siya ay mayroong umanong malasakit sa mga manggagawang naghahanapbuhay sa ibang bansa.

Ngunit, sa esensya ay pinoprotektahan ni Bello ang mga korap sa POEA, sapagkat hindi pa rin niya inilalantad sa media ang mga pangalan ng mga ito.

Kung hindi pinoprotekhan ni Bello ang mga korap sa POEA, bakit hindi niya mailabas sa media ang mga pangalan ng mga ito?

Huwag niyang alalahanin na mapapahiya ang mga ito at ang kani-kanilang pamilya, sapagkat maliit lamang na krimen ang pagbubunyag sa kanilang mga pangalan kung ikukumpara sa ginawa nilang pagnanakaw ng pera sa mga manggagawa.

Ang nararapat pa ngang gawin ni Bello ay iparada sa media ang mga masasamang-loob sa POEA para makita ng OFWs at ng sambayanang Filipino kung sino-sino ang mga kriminal na ito. At sabayan niya ng pagtanggal sa kanila sa POEA.

Ang totoo, matagal nang maraming nanloloko, nangangawarta, at nanarantado sa OFWs sa POEA, ngunit hindi ito natitigil dahil hindi nalalantad ang kanilang mga mukha sa publiko at hindi nasisibak.

Pagkakataon na sana ni Bello na gumawa ng mapagpasyang hakbang laban sa mga demon­yong korap na mga opisyal at kawani sa POEA.

Kaso, mukhang malamya ang aksyon ni Bello.

Kaya namang malabong magwakas ang korapsyon sa POEA.

PALIGSINING 2017

NAGLUNSAD ng proyektong “Paligsining 2017” kamakailan ang administrasyon ni Mayor Oscar Malapitan kung saan nagpaligsahan ang mga mag-aaral ng iba’t-ibang Day Care Center sa Lungsod ng Caloocan hinggil sa iba’t-ibang larangan ng sining.

Dahil sa proyekto ni Malapitan, naipakita ng mga bata ang kanilang galing sa pag-awit, pagsayaw, pag-tula at pag-arte.

Layunin ni Malapitan na mahubog sa murang edad ng mga bata ang kanilang mga talento sa iba’t-ibang larangan ng sining nang iluunsad ang Paligsining.

===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-tExt sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments