Bawas-singil sa kuryente: P1/ kWh

0
106



  • Pagbaba ng bayad, katumbas ng P200-P500 bawas sa ordinaryong konsumer
  • Dagdag sa ibabalik na sobrang nasingil, inihirit

Nasa piso kada kilowatt-hour (kWh) ang bawas-singil sa kuryente na iaanunsiyo ng Meralco bukas. Bukas pa ilalabas ang generation charge para sa June billing ng Meralco, pero kinumpirma na ng ilang source ang tapyas sa singil.

Kahit piso kada kwH lang ang bawas, katumbas na rin iyan ng P200-P500 na maaawas sa karaniwang gastos sa kuryente ng mga ordinaryong customer ng Meralco.

Pero hirit agad ng grupong Laban Konsyumer, dapat may interes ang ibabalik na P6.9 bilyong sobrang nakolekta ng Meralco mula 2014 hanggang 2016. 

Iyan din ang panawagan ng grupong United Filipino Consumers and Commuters na nagsabing P8.1 bilyon ang dapat na refund dahil naantala ito. 

Hirit din ng kinatawan ng Bayan Muna, dapat dagdagan ng interes ang ibabalik sa kostumer na puwedeng simulan ng Meralco sa Setyembre.

Pati ang 15 nakatenggang petisyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para bawiin sa lahat ng consumers ang lagpas P3 bilyong ginastos nila sa pag-aayos ng mga tore, ipinababasura rin ng Laban Konsyumer.

Pero sagot ng Energy Regulatory Commission, wala sa patakaran na may interes ang refund. Lehitimo rin daw ang petisyong bawiin sa consumers ang parte ng ginastos sa pagkumpuni ng mga nasirang linya. Dadaan pa rin iyan sa pagdinig at puwedeng makibahagi ang lahat ng apektado sa isyu.

Kapag naaprubahan ang petisyon ng NGCP, mas malaki ang magiging dagdag-singil sa consumers sa Visayas dahil mas maraming linya ang nasapul ng mga nakaraang bagyo roon.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments