BAWAL ANG PASAWAY SA KYUSI

0
26


ITO ang punto ni Quezon City Business Permit and Licensing Deparment (BPLD) chief Garry Domingo kaugnay sa mga nais magsagawa ng negosyo sa lungsod.

Kamakailan ay ginawaran ang Quezon City bilang ‘Most Business Friendly City’ subalit hindi naman dapat ito maging pasaporte upang samantalahin ito ng mga pasaway na negosyante sa lungsod.

Gaya na lang ng isang restoran sa lungsod na itinayo mismo sa bangketa na mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na ordinansa, mga regulasyon at batas subalit nagmatigas pa rin ang may-ari nito.

Ani Domingo, ilang beses nang ipinasara ng kanyang tanggapan ang kainan o restoran na ito noong nakalipas na taon subalit patuloy pa rin ito sa kanyang negosyo – pasaway talaga ang mokong na may-ari nito.

Nang dahil sa katigasan ng ulo ng may-ari ay sinampahan ito ng kaukulang kaso sa QC Metropolitan Trial Court Branch 35 upang maipabatid ni Domingo sa publiko na bawal ang pasaway na negosyante sa lungsod.

Batay sa Criminal Case No. 35-17-0668 ng QC MTC Branch 35, pinirmahan ni Judge Maria Ella Cecilia Escalante ang ‘arrest warrant’ laban sa negosyanteng si Juhl Joseph Tomacruz Flor.

“Ipinasara natin ito ng dalawang beses pero binubuksan pa rin nila kaya kinasuhan na natin dahil sa paglabag sa Article 21 Section 67 ng Quezon City Revenue Code,” ipinunto pa ni Domingo.

Walang Business Permit itong si Flor! Hindi rin pwedeng bigyan ng permiso dahil nasa bangketa [nga] ang kanyang negosyo na dinudumog araw-araw ng mga tagasubaysay ng isang kilalang TV game show.

Ito ang matindi, taumbayan! Nagtataka raw ang mga inspektor ni Domingo kung paano ang negosyong ito na nasa bangketa mismo ay nakakuha ng Barangay Clearance.

Aba’y sa magkanong dahilan naman [kaya]? Matindi na ang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga istraktura na nasa bangketa o lansangan dahil nagpapasikip ito ng daloy ng trapiko.

Mayroon nang mga opisyal ng barangay ang inasunto dahil ipinapalagay ng MMDA na kinukunsinti nila ang mga iligal na ganito tulad na lang ng restoran ni Flor pero anak ng… nabigyan daw ng Barangay Clearance.

Pero hindi ubra ang ganyan kay Domingo… bawal ang pasaway sa Kyusi! Kahit na ‘Most Business Friendly City’ ang Lungsod ng Quezon ay hindi papayagan dito ang mga pasaway at iligal na negosyo.

***
Para sa komento o suhestyon: eksperto71@gmail.com. EKSPERTO/JOIE O. SINOCRUZ, Ph.D.





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments