‘Battle of Brisbane’: Pacquiao, ipinagdasal ng mga tagasuporta sa Australia

0
96


Nasa Australia na si Manny Pacquiao, isang linggo bago ang laban sa Australyanong si Jeff Horn.

Umaga nitong Linggo, Hunyo 25, dumating sa Christian worship service ang pamilya Pacquiao kasama ang mga tagasuporta. Doon, ipinagdasal ang ‘pambansang kamao’ para sa inaabangang harapan nila ni Horn sa boxing ring.

Ipinagdasal ng Team Pacquiao ang tagumpay ng ‘Pambansang Kamao’ vs. Jeff Horn.

Matapos ang service, inabangan si Pacman ng Australian media. Bakas naman sa boksingero ang magandang mood dahil game na game siyang sumagot sa mga tanong ng media.

Aniya, mataas ang kaniyang morale dahil napakaganda ng kondisiyon ng kaniyang katawan mula sa dalawang buwang ensayo.

Pero hindi naman nagpapaka-kampante ang team Pacquiao dahil batid nilang mas bata kay Pacman ang 29 anyos na si Horn. Alam din nilang gustong-gusto ni Horn, isang undefeated na boksingero, na magwagi kontra sa 8-division world champion.

Tingin ng boxing writers, malaki ang advantage ni Pacman kung experience at record din lang ang basehan. Pero interesado rin sila kung paano makikipaglaban si Horn sa isang beterano.

Nakatakda naman bukas, Hunyo 26, ang huling sparring session ni Pacquiao bago ang laban. Bubunuin niya ang apat na rounds laban sa Australyanong sparring partner na si George Combosis, Jr. Di tulad sa mga naging laban sa Amerika, walang hirap mag-adjust sa oras ng Australia si Pacquiao dahil dalawang oras lang ang pagitan ng oras doon at sa Pilipinas. — Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments