‘Balintuwad’ na ensignia ng pangulo palpak na trabaho sa Palasyo

0
68


PUWEDENG sabihin na maliit na detalye pero napakasimboliko ng ensignia ng Pangulo.

Kaya nga Sagisag ng Pangulo, ‘di po ba?

At sino ba ang Pangulo? O paano ba nagiging Pangulo ng isang bansa?!

Hindi ba’t inihahalal siya ng malaking bilang ng mga Filipino?

Ayaw sana natin ng sisihan, pero hindi ba’t ilang beses nang nangyayari ang ganitong kapalpakan lalo sa ating bandila na laging naipagbabaliktad ang asul at pula?!

Sa dami ng mga pinasasahod ng taongbayan na staff sa Malacañang, hindi ba puwedeng mag-assign ng tao para i-check ang mga batayang protocol nang sa gayon ay hindi ang Pangulo ang nasasalang sa kahihiyan?!

Oo maliit na bagay sa pumalpak pero ‘yang maliit na bagay na ‘yan ang dahilan kung bakit nagiging katawa-tawa ang Pangulo.

Alam naman ninyo kung gaano kalikot mag-isip ang mga upahang political operators, kapag nakasilip ng konting ‘spark’ ‘yang mga ‘yan, kaya nilang buhusan ng ‘gasolina’ para magliyab.

Ano ang gusto nating sabihin, maging maingat naman sana ang mga nakapaligid sa ating Pangulo, lalo na ngayong nahaharap sa Marawi crisis.

‘Yun man lang sinasabi nilang ‘maliliit’ na bagay ay huwag na silang sumablay.

‘Yan na nga lang ang magagawa ninyo sa ating Pangulo…sablay pa?!

Ang hirap kasi sa mga nakapaligid sa Pangulo, gusto laging ‘malaki’ kunwari ang responsibilidad pero hindi naman talaga ginagampanan ang obligasyon.

Gusto laging nakabuntot at sumipsip lang sa Pangulo.

Ano ba ang ginagawa ng mga ‘advance party’ ninyo? Hindi ba’t sila ang bumusisi ng mga bagay-bagay bago humarap ang Pangulo sa publiko?!

Aba, tumbasan ninyo ang tiwalang ipinagkaloob sa inyo ng Pangulo!


BORACAY TARGET
NG MALALAKING
SINDIKATO
SA REAL ESTATE?!

Next target na nga ba ng malalaking sindikato sa real estate ang isla ng Boracay?

Ano ang pinakamalinaw na indikasyon na kumikilos ang malalaking sindikato ng real estate sa Boracay?!

Una, atat na ata na silang mabigyan ng titulo ultimo ang mga estrukturang nasa dalampasigan mismo.

Pero ang nakapagtataka, hindi nagsasalita, hindi kumokontra at hindi kumikibo ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Aklan ganoon din ang Regional Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Region 6?!

Ano ba talaga ang Boracay Island?

Protected natural resources na tourist destination?

O commercial beach resort na inilalako sa malalaking negosyante at developer?!

Dati kasi, tax declaration ang sistema ng pagbabayad ng buwis diyan sa Boracay Island. Pero ngayon, ang gusto ng mga sindikato sa real estate, titulo na?!

Siyempre nga naman, kapag natitulohan ang mga property diyan ay sisirit lalo ang presyo ng lupa, hindi ba?!

Wattafak!?

E kung gusto na talagang ‘salaulain’ ng local government ang Boracay, puwede ba, itakda muna ninyo ang design for urban planning sa nasabing isla?

Nang sa gayon, alam ng mga papasok diyan kung ano ang legal at hindi ‘yung mabibiktima sila ng overpricing.

Baka kamukat-mukat nating lahat pati ‘yung bahagi ng dalampasigan na hindi puwedeng angkining pribado ‘e maging private property na?!

Sonabagan!

PENRO Executive Director Jim Sampulna, ano ba ang responsibilidad at obligasyon ninyo sa bayan, para pangalagaan ang kalikasan at yaman ng ating bansa?!

Yaman ba talaga ng bansa ang pinangangalagaan ninyo o yaman nang iilan na nais kontrolin ang Boracay?

Pakisagot lang po!


MAYNILAD
MAKUPAD
SA SUCAT!

SIR Jerry, araw2 malaking sakripisyo ang dinaranas namin dito sa Sucat, Paranaque dahil sa ginagawa ng Maynilad. Naintindihan nman po namin ang ginagawa nila. Ang kaso bakit konti lang ang gumagawa? Kaya ang tagal tuloy matapos. ‘Yun namang mga natapos na nilang hukayin ay hndi naman sinemento ang kalsada. Mapapamura kang talaga!

+63916902 – – – –


Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit http://www.hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments