Bakit naging espesyal kay Milan Melindo ang pagkakapanalo niya ng world title

0
69


Matapos magwagi si Milan Melindo bilang world junior flyweight champion sa Tokyo nitong Linggo, mabilis nilabas ng kanyang trainer na si Edito Villamor ang cellphone para kuhanan ng litrato ang okasyon. Edito Villamor, Facebook

Inamin ni Milan Melindo na matatagalan pa bago lubusang mag-sink in ang pagkakapanalo niya ng world junior flyweight championship nitong Linggo.

Sa panayam ni Melindo sa ABS-CBN News Miyerkoles, hindi niya inakalang matatapos agad ang laban niya sa Tokyo kontra Akira Yaegashi ng Japan.

Hindi kilalang knockout artist ang 29-anyos na boksingero mula Cagayan de Oro, kaya nang patumbahin niya si Yaegashi ng hindi lang isa kundi tatlong beses sa Round 1, inisip ni Melindo na tila ito isang divine intervention.

Hininto ng referee ang laban may 15 segundo pa ang natitira sa unang round matapos kumonekta ang isang solid na kanan ni Melindo sa mukha ni Yaegashi, dahilan para mapahiga ang Hapon. 

“Hindi pa rin. Parang normal lang,” ang sagot ni Melindo nang tanungin siya kung nag-sink in na ang mga pangyayari.

“Wala pa, hindi pa napasok (sa isip ko). Baka abutin ng ilang weeks siguro.

“Hindi mo maisip ba. OK lang siguro kung aabot ng ilang round. So far, iyong nangyari, hindi ako known as a knockout boxer pero ganoon ang nangyari . . . Parang bago sa akin ba? Amazing talaga si God.”

Dalawang beses muna nabigo sa world title fight si Melindo bago siya maka-breakthrough. Natalo siya sa una niyang tangka noong 2013 para sa flyweight belt, at muli noong 2015 para sa kampeonato ng junior flyweight division.

Sabi ng kanyang trainer na si Edito Villamor, head coach din ni world champion Donnie Nietes at world champion prospect Mark Magsayo, ang pagiging mapag-pursige at maturity ni Melindo ang mga susi ng kanyang pagkapanalo.

Sinang-ayunan ito ni Melindo na ngayon ay may kartadang 36 na panalo at dalawang talo.

“I gathered all resources na kailangan ko para sa laban na ito,” aniya.

“Lahat siguro na pinagdaanan ko, nagtipon-tipon lahat. Iyong experience, iyong wisdom na nakukuha ko sa mga laban ko, mga advice ng mga tao napapasok sa akin lahat. Parang nabuo ako.” — may ulat ni Dominic Menor, ABS-CBN News

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments