Araw ng Patay –

59


Sa mga susunod na araw, gugunitain ng bansa ang Undas – ang araw ng mga patay – isang taunang tradisyon sa bansa kung saan binibisita natin ang libingan ng mga namayapa nating mahal sa buhay upang sila’y ipagdasal kasabay ng pagtutulos ng kandila.

Mataimtim din nating sinasariwa nang magkakasama bilang pamilya ang magagandang alaala natin sa kanila.

Para mas maging mainam ang pagdaraos natin ng okasyong ito, mabu­ting tiyakin na maayos ang lahat ng mga bagay-bagay kaugnay ng mga aktibidad na gagawin ng bawat isa.

Narito ang ilang importanteng regulasyon at safety tips kaugnay ng okasyon para makaiwas tayo sa pagkabalam at disgrasya. ‘Di ba’t ayaw naman nating humabol pa sa November 1?

Kung iiwan ang bahay na walang bantay, ang payo ng Philippine National Police (PNP), tiyaking nakakandado ang lahat ng pinto at bintana.

Iwasan din daw ang mag-iwan ng anumang palatandaan tulad ng notes sa gate na maghuhudyat na walang tao. ‘Di ba’t parang iniimbitahan pa natin ang mga ‘maligno’ na sumalakay kapag ganoon?

Puwede ring mag-iwan ng nakabukas na radyo o TV para magmukhang may tao sa loob ng bahay pero siguraduhing maayos ang pagkakasaksak sa kur­yente dahil baka naman maging sanhi ito ng sunog.

Sa sementeryo naman, taon-taon na lang ang paalala ng PNP na magdala lang ng saktong pagkain at huwag na huwag magdadala ng alak at sound system dahil hindi naman party ang ating pupuntahan.

May iba naman na talagang pasaway at nagdadala pa ng baril at kutsilyo. Kailan pa ba naging giyera ang libi­ngan o memorial park?

Isang pinakaimportanteng paalala, maging malinis tayo sa paligid. Tangayin natin pauwi ang mga basura natin sa sementeryo.

Hindi ba tayo nahihiya na tuwing Undas, sikap nating nililinis ang mga pantiyon pero daang toneladang basura naman pala ang iiwan pagkatapos? Nagmimistulang dumpsite ang mga sementeryo na dapat ay malinis na lugar ng pagninilay. Pangit.

Ang payo naman ng Department of Health para makaiwas sa sakit, magdala ng first aid kit na may mga gamot sa hilo, sipon, at pagdudumi.

Tiyakin din na may sapat na inuming tubig. Gumawa rin ng mga hakbang para makaiwas sa kagat ng lamok.

Para sa mga pamil­yang bibiyahe papuntang probinsiya gamit ang sa­riling sasakyan, ibinibilin ng pambansang pulis na tiyaking maayos ang kondisyon ng behikulo.

Inspeksiyuning maigi ang mahahalagang parte ng kotse tulad ng makina, preno, radiator, gulong, atbp. Dapat may driver’s license at dala ang mga papeles ng sasakyan at pati ang insurance certificate.

Kung magmamaneho, tiyaking kondisyon at alerto ang isip at pa­ngangatawan. Huwag na huwag magmamaneho nang nakainom ng alak, nahihilo o inaantok. 

Magbaon ng sangkaterbang pasensiya at lamig ng ulo. Huwag na huwag gumamit ng cellphone para tumawag o mag-text o mag-social media.

Alamin ang detalye ng mga serbisyong ipinagkakaloob ng SLEX at NLEX kapag Undas tulad ng emergency medical at towing services.

Kung sasakay ng bus at barko pauwi ng probinsiya, iwasan nang magbitbit ng maraming damit at kagamitan.

Bilin din ito ng Philippine Coast Guard para maiwasan ang overloading sa barko at maging komportable ang ating pagbibiyahe at pati na rin ng kapwa natin mga pasahero.

Sa mga bus at shipping company, huwag mag-overloading at samantalahin ang situwasyon para sa kita. Unahin natin, higit sa lahat, ang pagseserbisyo sa mga pasahero.

Isang makabuluhan, payapa, at taimtim na Undas sa ating lahat.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments