ALAMIN: Kuryente, iba pang magdadagdag-presyo dahil sa tax reform

0
22



Mahigit 20 ang bilang ng coal-fired power plants sa Pilipinas.

Ito ang mga plantang nagbibigay ng tinatawag na “baseload” o tuloy-tuloy na suplay na kuryente.

Kapag tuluyang naisabatas ang inaprubahang panukala na P100 hanggang P300 na dagdag-buwis sa kada tonelada ng coal, maaaring tumaas ang singil sa kuryente ng Meralco at mga kooperatiba ng kuryente.

“Aabot sa five centavos per kilowatt hour ‘yong upward adjustment kung P300 ang tax … it’s basically a pass-through charge,” ani Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco.

Bukod sa kuryente, tataas din ang presyo ng semento, ayon sa grupong Laban Konsumer.

Kaya balak ng grupo na kuwestiyunin ang legalidad ng dagdag-buwis sa imported coal.

“I think ‘yong percentage increase, masyadong mataas kasi meron pa ring requirement, dapat equitable eh,” ani Vic Dimagiba, pangulo ng Laban Konsumer.

Kapag tumaas ang singil sa kuryente, lalaki rin ang gastos ng mga negosyante.

Sa mga supermarket at iba pang pamilihan, puwedeng bawiin ang dagdag-gastos sa operasyon sa presyo ng bilihin na makaaapekto sa mga mamimili.

Ilan sa mga produktong nanganganib tumaas sa pagpasok ng 2018 ay ang mga matatamis na inumin at produktong petrolyo.

Posibleng madamay din ang presyo ng ibang pangmasang produkto.

“You just have to adjust, bite the bullet,” ani Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Sa kabila nito, may dagdag naman sa take-home pay ng mga manggagawa dahil bababa ang income tax.

Pero walang dagdag-kita ang mga minimum wage earners na nagbabayad din ng kuryente at kumokonsumo ng mga pangmasang produkto.

— Ulat ni Alvin Elchico at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments