ALAMIN: Galaw ng presyo ng mga bilihin bago mag Disyembre

0
26



Tumaas ang presyo ng ilang bilihin gaya ng manok at sibuyas sa palengke ngayong linggo, habang papalapit ang Pasko.

Sa Balintawak Market sa Quezon City, umakyat na ng P138 hanggang P140 mula P130 ang presyo ng fully-dressed na manok.

Bukod sa Kapaskuhan, iginiit ng isang tindero na bumabawi pa rin ang industriya ng manok sa pagkalugi matapos magkaroon ng bird flu scare sa bansa.

Nagbabala ang mga tindero na maaaring tumaas pa ang presyo ng manok pagdating ng Disyembre.

Tumaas din ng halos P20 kada kilo ang presyo ng sibuyas.

Wala umano kasing suplay ng sibuyas mula sa ibang bansa.

Mula P70 kada kilo, umakyat ng hanggang P90 kada kilo ang presyo ng sibuyas. 

Nananatili naman sa P185 hanggang P200 kada kilo ang presyo ng baboy, habang P300 kada kilo naman para sa baka.

Nasa P100 kada kilo naman ang presyo ng tilapia habang P135 kada kilo ang bangus.

Wala umanong galaw ang presyo ng mga isda pero ayon sa mga nagtitinda’y mas mataas pa rin ito sa karaniwan dahil sa malamig na panahon at mababang suplay.

Bumaba naman ang presyo ng kamatis at bawang.

Nasa P25 kada kilo na lang ang presyo ng kamatis mula P90 habang P80 kada kilo ang bawang mula Tsina kumpara sa dating P130.

Babala sa ‘botcha’

Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad sa posibleng paglipana ng mga double dead na karne o “botcha”. 

Kaya nagbahagi ang ilang tindero sa Balintawak Market ng mga palatandaan para hindi naloloko ang mga mamimili.

Ayon sa tinderong si Jake Carpe, itim ang kulay ng “botcha” na baboy sa halip na mapula.

Dagdag ni Carpe, mahalagang tingnan kung may tatak ang baboy at may permit galing sa katayan.

Sumang-ayon kay Carpe ang kapwa tinderong si Andres Rodriguez. 

Ani Rodriguez, malagkit din umano ang karneng botcha dahil patay na ang baboy galing pa lang sa babuyan.

Kung giniling naman ang karne’y titingnan lang ang kulay nito kung maputla o mapula.

Dahil sa papalapit na Kapaskuhan, pinaiigting ng mga lokal na pamahalaan ang pag-ikot sa mga palengke upang kumpiskahin ang mga kontaminadong karne.

— Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments