ABUSADO NAMAN SI FARIÑAS – Remate

0
63


HANGGANG ngayon ay mistulang mga kriminal ang anim na kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte dahil nakakulong pa rin sila hanggang ngayon sa bilangguan ng Kamara del Representantes mula noong Mayo 29.

Ipinakulong ang ‘Ilocos 6’ ng kanilang kababayang si Representative Rodolfo Fariñas nang hindi makasagot ang anim sa mga tanong ng mambabatas hinggil sa paggamit ng mahigit P66-milyong pondo ng Pamahalaang Panlalawigan mula buwis ng tabako at sigarilyo.

Ang pagtatanong ni Majority leader Farinas ay bahagi ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability hinggil sa paggamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng mga sasakyang pang-agrikultura gamit ang mahigit P66-milyong buwis mulang tabako at sigarilyo upang magamit ng mga magsasaka sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon.

Ang imbestigasyon ay batay sa House Resolution 882 na inihain ni Fariñas kung saan nakalagay agad ang akusasyon ni Fariñas na “highly irregular” ang pagbili ng mga sasakyan gayong hindi pa nasisimulan ang imbestigasyon.

Noong Mayo 29, ayon sa abogado ng ‘Ilocos 6’ na si Atty. Toto Lazo, gustong-gustong sagutin ng tama at eksakto ng ‘Ilocos 6’ ang mga tanong ni Farinas, ngunit hindi naman makapaglabas ang nasabing mambabatas ng mga orihinal na kopya ng mga dokumentong hawak niya, kaya hindi nakasagot ang anim.

Idiniin ni Lazo na sa anomang imbestigasyon ay kailangan ang mga orihinal na dokumento.

Sabi ni Lazo, nakapagtataka kung anong mga dokumento ang pinagkopyahan ng “photo copies documents” na hawak ni Fariñas gayong ang orihinal na mga dokumentong tinutukoy ni Farinas ay matagal nang nawawala, ayon umano sa Commission on Audit.

Ang mga orihinal na dokumento at mga tseke ay ipinasa noon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilobos Norte sa COA bilang pagtalima sa ligal na proseso.

Ang isyung biglang inungkat ni Farinas ay noon pang 2011 at 2012 naganap, ayon kay Atty. Lazo, kaya naniniwala ito at ang kampo ni Governor Imee Marcos na personal at pulitika ang pakay ni Fariñas.

Ayon kay Imee, alam na alam ni Fariñas na walang anomalya at iregularidad na naganap sa pagbili ng mga sasakyan gamit ang mahigit P66M pera ng mamamayang Ilokano dahil kung mayroon man ay noong 2013 pa niya kinaladkad sa Kamara ang isyu dahil 2011 at 2012 pa na naganap ang mga transaksyon.

Noong 2010 – 2016 – ibig-sabihin mula sa simula hanggang katapusan ng termino ni Pangulong Benigno Aquino III – ay napakalaki ng pagkakataon ni Fariñas na paimbestigahan ang kasong P66M, ngunit hindi niya ginawa.

Ngayong patapos na ang kanyang termino ay saka lamang niya bibirahin ang mga Marcos sa Kamara para sa isyung pang-Distrito 1 ng Ilocos Norte.

Tatakbo kasi ang anak ni Farinas na si Board Member Pia Farinas bilang representante ng Distrito 1 ng Ilocos Norte sa Kamara, palit sa kanya, na hindi susuportahan ng mga Marcos – na siyang ikinagagalit ni Rep. Fariñas.

Isa pa, mukhang binabawian ni Mambabatas Farinas si Gov. Imee dahil noong magkasama pa ang dalawa sa Nacionalista Party ay hindi sinuportahan ni Imee si Farinas na sa palagay ko ikinasama ng loob ni Farinas.

Kung may personal na galit si Mambabatas Farinas kay Gov. Imee Marcos, sana huwag naman niyang parusahan ang ‘Ilocos 6.’

Wala naman silang nagagawang krimen upang makulong sa bilangguan ng Kamara simula pa noong Mayo 29.

Hindi naman siguro tama na magdusa at malayo sa kani-kanilang pamilya ang ‘Ilocos 6’ nang dahil lamang sa hindi kaagad nakasagot ang anim kay Fariñas.

Alam ni Fariñas bilang abogado at beteranong mambabatas na labis ang kanyang desisyon.

Kung hindi pag-abuso sa kapangyarihan bilang majority leader, ano pa ang ibang tawag sa ginawa ni Farinas? BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments